Sa gitna ng flood control projects probe…3 DPWH-Davao officials, sinibak!

MANILA, Philippines — Sinibak sa puwesto ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang tatlong opisyal ng ahensiya sa Davao City, sa gitna na rin nang isinasagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa maanomalyang flood control projects sa lungsod.
Ayon kay Dizon, kabilang sa mga sinibak sina Davao District Engineer (DE) Richard Ragasa, Assistant District Engineer Lilibeth Sarmiento, at Construction Chief Roberto Mamaril. Sila ay kabilang sa 12 opisyal na DPWH na pinakakasuhan ng NBI sa Department of Justice (DOJ).
Matatandaang sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na inirekomenda ng kanyang ahensiya sa DOJ ang pagsasampa ng reklamo laban sa ilang DPWH officials at sa Genesis88 Construction dahil sa umano’y paglabag sa Anti-Graft and Corruption Practices at Falsification by Public Officer.
Ayon kay Matibag, ang Genesis88 ay nakakuha ng P7 bilyon halaga ng flood control projects sa unang Distrito ng Davao City.
Samantala, tinanggal din ni Dizon sa puwesto si Engr. Roberto Catingub, construction chief ng Cebu 4th District dahil naman sa umano’y extortion sa mga kontratista. Bukod dito, may mga tauhan pa aniya siyang iniimbestigahan at iaanunsiyo niya kung sinu-sino ang mga ito sa susunod na mga linggo.
- Latest


















