Kampanya umarangkada na
MANILA, Philippines – Nagkanya-kanyang gimik ang mga kandidato sa kanilang proclamation rallies kahapon na simula ng 90 araw na pangangampanya bago ang presidential elections sa Mayo 9.
Pinili ng tambalang Sen. Grace Poe at Sen. Chiz Escudero na gawin ang kanilang kampanya sa Plaza Miranda sa Quiapo, Maynila ang lugar kung saan inilunsad din ni Poe ang kanyang senatorial bid noong 2013.
Ang kampo naman ni Liberal Party standard bearer Mar Roxas at katambal na si Rep. Leni Robredo ay mismong si Pangulong Aquino ang nanguna sa kanilang kick-off rally sa Capiz at Iloilo.
Kasama ang buong slate, alas-10 ng umaga ang proclamation rally ni Roxas sa mismong lalawigan na pinagmulan ng kanyang pamilya. Sa hapon ay tumungo sila sa Iloilo bilang bahagi pa rin ng proclamation rally.
?Habang si Vice President Jejomar Binay at katambal na si Sen. Gringo Honasan ay pinili na gawin ang kanyang kick off rally sa Welfareville Compound sa Mandaluyong City para makasama raw ang mga mahihirap.
Pagkatapos sa Mandaluyong ay tumungo ang grupo ni Binay sa Cavite at Laguna para sa unang araw nang pangangampanya.
Alas-3 naman ng hapon ng magsagawa ng rally sina Davao Mayor Rodrigo Duterte at Sen. Alan Peter Cayetano sa Tondo, Maynila.?Pagkatapos nito ay didiretso ang tambalang Duterte-Cayetano sa Tuguegarao, Cagayan para sa second day ng kanilang pangangampanya.
Habang ang tambalang Sen. Miriam Defensor-Santiago at Sen. Bongbong Marcos ay minabuting gawin ang kanilang political rally sa Batac, Ilocos Norte.
- Latest