“ANONG kabaliwan ito?” tanong ni Ernesto habang nakahawak sa bakal ng rehas at tila hindi matanggap ng kanyang utak ang mga nangyayari.. “Bakit mo ginagamit ang mukha ng kapatid ko?!”
Isang mapait na tawa ang pinakawalan ni Andres. Dahan-dahan siyang lumapit sa rehas, sapat upang makita ni Ernesto ang mga latay sa kanyang katawan at ang malalim na marka ng bakal sa mga bukung-bukong.
“Sa tingin mo ba ay gusto kong maging kamukha ng namatay mong kapatid?” malamig na sagot ni Andres. “Tingnan mo ang paligid mo, Ernesto. Tingnan mo kung paano ako ikinulong dito ng ina mo sa loob nang napakahabang panahon.”
Napatigil si Ernesto, nanlalabo ang mga mata sa pagtataka at kaba. “Alam kong hindi mabuting tao ang aking ina… pero wala siyang dahilan para gawin ito...” napapailing na pangungumbinsi ni Ernesto sa sarili.
“Mayroon,” mariing giit ni Andres. “Dahil sa ika-apatnapung gabi ng kamamatayan ni Emilio... gagamitin nila ako para sa isang ritwal. Ako ang gagawin nilang daungan para sa kaluluwa ng kapatid mo.”
Nanlamig ang buong katawan ni Ernesto. Naalala niya ang mga itim na kandila, ang mga pambihirang halamang gamot na inilalabas ni Mang Teban, at ang hindi maipaliwanag na pagnanais ng Donya na manatili si Kristina sa mansiyon.
“At si Kristina...” patuloy ni Andres, nakatitig nang diretso sa mga mata ni Ernesto. “Ang akala mo ba’y gusto ka niyang pakasalan dahil sa pag-ibig? Sinabi niya sa ina mo na may nangyari sa inyo upang lituhin ang Donya! Dahil ang habol ng ina mo at ni Mang Teban ay ang sanggol na mabubuo sa sinapupunan ni Kristina, isang sanggol na magiging permanenteng sisidlan at tagapagmana ng buong hacienda!”
Tila pinagsakluban ng langit at lupa si Ernesto. Napaatras siya at halos mabitawan ang gasera sa nalamang katotohanan.
Ang lahat ng pira-pirasong palaisipan, ang biglaang pagkagiliw ng Donya kay Kristina, ang pagpapatapon sa kanya sa Maynila, at ang pagiging kanang kamay ng albularyong si Mang Teban ng kanyang ina.
Nakatitig siya kay Andres, hindi na bilang isang impostor, kundi bilang isang buhay na patunay ng kabaliwan ng sarili niyang pamilya.
(Itutuloy)