La Viuda (5)
NAGISING si Kristina sa nakatutulig na tunog ng mabibigat na pintuang bakal ng mausoleo. Pagsapit ng alas-sais ng umaga, binubuksan ito ng mga tauhan ng hacienda para siya palabasin na tila alagang hayop sa bukid.
Bumangon siya mula sa kama at mabilis na lumingon sa paligid, ngunit wala na ang lalaki. Bago pa man siya makahakbang pababa, natigilan siya sa sahig sa tabi mismo ng kanyang tulugan.
May maputik na bakas ng mga paa sa marmol. Hindi sa kanya ang bakas na iyon. Nagtindigan ang mga balahibo ni Kristina habang umaagos ang alaala nang nagdaang gabi: ang init ng mga daliri sa kanyang pisngi at ang paghaplos sa kanyang buhok. Hindi iyon panaginip—nagpakita sa kanya si Emilio kagabi.
Nangangatal ang mga tuhod na bumaba si Kristina sa hagdanan. Sumulyap siya sa kabaong na gawa sa salamin sa gitna ng silid. Pero nakahimlay pa rin doon si Emilio.
Pagkarating ni Kristina sa pintuan, nag-aabang ang dalawang kasambahay.
“Gising ka na pala, Kristina,” malamig na wika ng isang kasambahay habang sinusuri ang kanyang hitsura. “Pinapupunta ka na ni Doña Presentacion sa mansiyon dahil nakahanda na ang almusal.”
Tumingin ang kasambahay sa marumi at nagusot niyang damit pangkasal na suot pa rin niya mula kagabi.
“Pero mag-ayos ka raw muna ng sarili bago sila sabayan sa almusal” dugtong nito.
Pumaling ang tingin ni Kristina pabalik sa itaas ng mausoleo habang lumalabas. Sa unang pagkakataon, hindi na lang takot ang nararamdaman niya sa pagdating ng gabi, kundi ang kagustuhang malaman kung sino ang bumibisita sa kanya sa gitna ng kadiliman.
Itutuloy
- Latest
















