Huling Eba sa Paraiso (150)
“Edi sa farmhouse ko muna kayo tumira ni Lola Ela habang inaayos ang kubo n’yo,’’ sabi ni Drew.
“Marami na akong utang sa’yo Drew. Nakakahiya na.’’
“Narinig ko na naman sa’yo ‘yan. Parang sinabi mo na ‘yan sa akin nung inoperahan sa mata si Lola.’’
“Nakakahiya na Drew.’’
“Basta, pag-uwi natin sa probinsiya, dun na muna kayo sa farmhouse. Malaki naman ‘yun at tatlo ang kuwarto. Di ba nakita mo na ang loob ng farmhouse ko?’’
“Oo.’’
“Delikado rin kasi kung basta mag-iisa kayo ni Lola. Kahit ba sinabi ni Luke na wala na ang taong humahabol sa atin, mabuti na rin ang nag-iingat. Kaya mas maganda kung sama-sama pa rin tayo.’’
“Salamat Drew. Binigyan mo naman ako ng panibagong pag-asa.’’
“Okey lang ‘yun. Basta kalimutan mo ‘yang sinasabi mong utang sa akin. Ayaw ko nang maririnig ‘yan. Okey?’’
Tumango si Marianne.
Maya-maya nagtanong ito kay Drew.
“Puwede kayang magtinda uli ako ng pako sa palengke sa bayan, Drew?’’
“Oo. Pero palipasin mo muna ang ilang buwan. Mahirap kung basta babalik ka sa pagtitinda.”
“Ano ang gagawin ko? Kailangan kong kumita para mabuhay kami ni Lola.’’
“Bibigyan kita ng trabaho?’’
Napatitig si Marianne kay Drew.
“Anong trabaho?’’
“Gusto kong buhayin ang negosyo ko noong bago magpandemya. Ngayong wala na ang pandemya, balak kong buksan muli ang pizza business ko. At gusto ko ikaw ang mamahala.’’
Hindi makapaniwala si Marianne.
“Totoo, Drew?’’
“Oo. Pero pag-aaralan muna nating mabuti.’’
“Sige, Drew.’’
(Itutuloy)
- Latest