Social media access ng mga bata, higpitan - Jonvic
MANILA, Philippines — Higpitan ang paggamit ng social media ng mga batang edad 16 pababa at harangin ang mga website na nagpo-promote ng karahasan.
Ito ang nais ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla kasunod ng madugong pamamaril sa Banga National High School South Cotabato.
Sinabi ni Remulla na dadalhin niya sa Kongreso ang panukalang limitahan ang social media use ng mga bata, bukod sa mas mahigpit na regulasyon sa legal at loose firearms.
Lumabas sa imbestigasyon na ang estudyanteng sangkot sa pamamaril ay umano’y naimpluwensiyahan ng mga online group at website na nagpo-promote ng satanism, fascism, nihilism, anti-LGBT views at matinding galit.
Ayon sa mga otoridad, nakuha sa cellphone ng estudyante ang mga impormasyong nagpapakitang exposed siya sa naturang online content. Makikipag-ugnayan sila sa Department of Information and Communications Technology (DICT).
Irerekomenda rin niya na mabigyan ang Philippine National Police (PNP) ng kapangyarihang magsagawa ng inspeksiyon sa mga lisensiyadong baril sa mga tahanan, nang may paunang abiso at hindi na kailangan ng search warrant.
- Latest















