^

PSN Showbiz

Willie binagay sa nangyayari ang bagong show!

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon
Willie binagay sa nangyayari ang bagong show!
Willie

Maayos at malinaw na ang signal ng Tutok To Win ni Willie Revillame. Mula sa helipad ng Wil Tower ay lumipat na siya sa 42nd floor, sa mismong bar na ipinagawa niya, isang buong palapag ‘yun na ipinadisenyo niya na parang restaurant.

Maaga pa lang ay nakikipag-meeting na ang TV host sa technical staff ng GMA-7, talagang ginagawan nila ng paraan na hindi na maaapektuhan ang programa kapag umeere na, nagtagumpay naman sila.

Dahil sa enhanced community quarantine ay hindi puwedeng mag-show nang live sa kanyang studio si Willie. Punumpuno kasi sila ng studio audience na nanggagaling pa sa malalayong probinsiya.

Ipinagbabawal ‘yun bilang pagpapahalaga sa social distancing. Hindi puwedeng nagkakasama-sama sa isang lugar lang ang maraming tao para makaiwas sa banta ng pagkahawa o panghahawa ng corona virus.

Itinuloy ni Willie ang nakasanayan na niyang pagtulong habang nasa Puerto Galera siya, du’n na siya inabutan ng lockdown, kasama ang kanyang staff.

Pero gusto niyang bumalik sa Maynila, hindi siya puwedeng basta nasa isang malayong lugar lang, mas kailangan siya ng mga nangangailangan nating kababayan dito sa lunsod.

Legal ang proseso ng kanyang pagbalik, kumuha siya ng dokumento sa mga opisyales na namamahala sa mga sasakyang panghimpapawid, helicopter niya ang kanilang ginamit nu’ng nakaraang Linggo nang umaga.

Bahagi ng Wowowin ang pansamantalang titulong ginagamit ni Willie, Tutok To Win, kailangan lang tumutok ng ating mga kababayan sa kanyang programa sa GMA-7, YouTube at FB Live para manalo ng mga papremyong cash.

Ewan kung dahil lang sa panahong pinagdadaanan natin ngayon ang dahilan, pero kahit pa nagkokomedya sa ere si Willie ay napapaluha kami sa kanya, kinikilabutan din kami sa matinding emosyon ng mga tumatawag sa kanyang show.

May isang tumawag na magkahalong pagtawa at pag-iyak na lang ang nasabi nang handugan ito nang sampung libong piso ni Willie.

Madaling unawain ang caller, mapaghamon talaga ang sitwasyon ngayon, lalo na sa mga manggagawang walang pinagkakakitaan dahil sa lockdown na kailangang manatili lang sila sa bahay.

Iyak nang iyak ang kababayan nating tumawag, ramdam na ramdam namin ang kanyang pasasalamat sa pagdating ng biyaya para sa kanilang pamilya, bigas at gamot daw ang kanyang uunahin mula sa sampung libong pisong bigay ni Willie.

Ang regular viewer din namin sa Cristy Ferminute at Take It, Per Minute... Me Ganu’n na si Lara May Abrigo ay naging sentimental sa pagtutok kay Willie.

Sabi nito sa kanyang text, “Nanay, nakatutok po kami kay Kuya Wil. Nagpapatawa siya pero naluluha kami ng Nanay ko. Nagsikap talaga siyang makabalik para makatulong.

“Napakalaki po ng puso niya, kaya naman patuloy siyang blessed. Ang dami-dami niyang napapasaya sa mga panahong ito na lugmok ang bayan,” sinserong komento ni Lara May.

Napakadaling manalo sa Tutok To Win. Kung anu-ano lang naman ang itinatanong ni WIllie para mapatunayan niyang nanonood nga ang kanyang kausap.

Ano ang kulay ng kanyang suot? Meron ba siyang medyas? May laman ba ang mug sa kanyang mesa? Meron ba siyang suot na belt?

Tama o mali ang sagot ng kanyang caller ay hindi na mahalaga, basta ibibigay niya pa rin ang papremyong cash, nag-iiyakan sa tuwa ang mga kababayan nating naaambunan ng grasya ni Willie.

Busilak na puso.

Dasal ang panlaban...

Palagi kaming nagpapalitan ng text ng magaling na news anchor na si Arnold Clavio. Hindi man kami nagkikitang madalas ay buhay na buhay ang aming pagkakaibigan at komunikasyon.

May sarili siyang grupong tumutulong sa ating mga kababayang nangangailangan, ang Igan Foundation, abalang-abala sila ngayon sa paghahandog ng ayuda sa mga dakila nating frontliners.

Nu’ng isang umaga ay napangiti kami sa kanyang text, “Salamat po, Nanay, ipinagdasal ko na rin po ang mga trolls at bashers,” sabi niya.

Oo nga naman. Kahit pa nagdurusa na ang buong mundo ngayon dahil sa mapamuksang COVID-19 ay may mga tao pa ring hindi tinatablan ng kilabot sa katawan.

Patuloy pa rin sila sa pamba-bash, sa pagpapakalat ng fake news, tuloy ay maitatanong natin sa ating mga sarili kung may kunsensiya pa kaya ang mga ganu’ng tao?

Kundi makatutulong at walang kapasidad na gumawa ng mabuti sa mga panahong ito ay may malaking bagay na maiaambag pa rin ang mga trolls at bashers.

Ang kanilang pananahimik. I-lockdown din nila ang kanilang bibig.

vuukle comment

WILLIE REVILLAME

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with