^

PSN Showbiz

Sampung bagong pelikula mamamayagpag sa 7th Cinema One Originals Festival

-

MANILA, Philippines - Matapang ang mga ideya. Mapangahas ang mga istorya. At siyempre, orihinal. Ganito isalarawan ang mga pelikulang dapat abangan sa 7th Cinema One Originals Festival na gaganapin sa Nov. 9-15, sa Shang-rila Edsa Plaza Cineplex. Ang kapana-panabik din na awards night ay gaganapin sa Nov. 13 sa Grand Ballroom ng Crowne Plaza Manila Galleria sa Ortigas.

Pinili mula sa mapanuring deliberasyon sa daan-daang lumahok, ang sampung pelikula sa taong ito ay napatunayan na ang kanilang mga nilikha ay kakaiba. Napatunayan din sa mga tampok na pelikula na marami nang mga filmmakers, directors, manunulat, at aktor ang kayang makipagsabayan hindi lamang sa kapwa Pinoy kung hindi maging sa ibang bansa.

Ang 10 pelikulang ito na dapat tunghayan ay ang mga sumusunod:

Big Boy – Dinirek ng batikang production designer na si Shireen Seno. Ang kuwento ay umiikot sa isang batang lalaki sa Mindoro, na hinuhubog ng kanyang mga magulang upang maging matikas na binata na siyang makaka-agapay ng mga ito sa kanilang negosyo. Ito ang kauna-unahang pelikula ni Seno sa Cinema One Originals Festival.

Mga Anino sa Tanghaling Tapat – Mapangahas at sensual naman ang obrang ito ni Ivy Universe Baldoza, lalo’t kuwento ito ng mga batang babaeng haharapin ang matinding pagbabago sa pagkatao sa kanilang pagbabakasyon sa probinsiya.

Sa Ilalim ng Tulay – Kakaiba rin ang dramang hatid ng pelikulang ito ng visual artist at direktor na si Earl Bontuyan, lalo’t tampok dito ang nakaaantig na kuwento ng isang pamilyang Aeta na maglalakas-loob na lumipat sa siyudad para sa mas maginhawang buhay. Sa kanilang paglalakbay, mga pagsubok ang kanilang haharapin.

My Paranormal Romance – Ang horror-comedy na ito na patok na patok sa mga kabataan ay tungkol sa mag-aaral na si Merry Pascual, na matapos mabigo sa pag-ibig ay gagawin ang lahat makapasok lang sa isang prestihiyosong unibersidad sa Cebu. Matutupad naman ang kanyang mithiin ngunit may isang bagay siyang matatanggap na magdadala ng mga kababalaghan sa kanyang buhay.

Sa Kanto ng Ulap at Lupa — Istorya ng isang grupo ng mga palaboy sa kalye na maagang namulat sa kamunduhan. Rugby na binibili sa hardware ang kanilang naging sandigan. Ang lumikha ng pelikulang ito na si De Guzman ay nagwagi ng apat na Palanca awards para sa kanyang mga obrang Ang Daan Patungong Kalimugtong at Chiffons.

Anatomiya ng Korupsyon — Sina Maricar Reyes at Sid Lucero naman ang mga bida sa pelikulang ito na naka-set sa dekada 80. Hango ito sa isang bantog na stage play ni Malou Jacob at isina-pelikula naman ni Dennis Marasigan. Ito ang ikalawang pelikula ni Marasigan sa Cinema One Originals matapos ang matagumpay niyang Sa North Diversion Road noong 2005.

Cartas de la Soledad (Letters of Solitude) — Ang obrang ito ay nilikha ni writer-producer-director at cultural heritage conservationist sa Maguindanao na si Gutierrez “Teng” Mangansakan II. Kuwento ito ng isang lalaking Pinoy na nag-aral at tumira ng 25 taon sa Barcelona, Espanya. Sa kanyang pagbalik sa Mindanao, lungkot ang kanyang naramdaman dahil sa kawalang-pagbabago sa buhay ng mga taga-roon. Kaya nagpasiyang mapag-isa at sumulat na lang ng mga liham.

Six Degrees of Separation from Lilia Cuntapay — Tampok naman sa pelikulang ito ang buhay ng dakilang extra sa pelikula na si Lilia Cuntapay. Kilala sa kanyang pagganap bilang aswang sa mga pelikula at palabas sa telebisyon, sa wakas ay matutupad na rin ni Lilia ang kanyang mga pangarap. Likha ito ni Antoinette Jadaone, na cum laude ng Film and Audio Visual Communication sa UP Film Institute.

Ka Oryang — Ang pelikulang ito ni Sari Dalena na pinagbibidahan ni Alessandra de Rossi at Joem Bascon ay naglalahad ng mga pinagdaanan ng mga babaeng bilanggo noong panahon ng martial law.

Di Ingon Nato (Not Like Us) — Makapanindig balahibo naman ang pelikulang ito na nilikha nina Brandon Relucio at Ivan Zaldarriaga kung saan ipapakita ang pagsalakay ng mga zombies at iba pang kababalaghan.   

Pito sa mga mga pelikulang tampok sa Cinema One Originals ngayong taon ay mga debut films ng mga direktor na sina Sari Dalena ng Ka Oryang, Ivy Universe Baldoza ng Mga Anino sa Tanghaling Tapat, Victor Villanueva ng My Paranormal Romance, Earl Bontuyan ng Sa Ilalim ng Tulay, Antoinette Jadaone ng Six Degrees of Separation From Lilia, at si Shireen Seno ng Big Boy. Ang Di Ingon Nato (Not Like Us) ay ang kauna-unahang pagtatambal ng mga direktor na sina Ivan Zaldarriaga at Brandon Relucio.

Apat na mga babaeng filmmakers ang kalahok ngayong taon: sina Shireen Seno, Ivy Universe Baldoza, Antoinette Jadaone, at Sari Dalena.

Lima sa sampung pelikula naman ay nanggaling sa mga probinsya—Big Boy mula Mindoro, My Paranormal Romance mula Cebu, Sa Kanto ng Ulap at Langit mula Nueva Vizcaya, Cartas de la Soledad mula Maguindanao at Di Ingon Nato (Not Like Us) mula Cebu. Ang pelikulang Sa Ilalim ng Tulay ay bahagyang rehiyonal sapagkat ito’y nagpapakita ng paglalakbay ng isang Aetang pamilya nang sumabog ang Pinatubo hanggang sila’y nakarating sa Maynila.

Isa sa mga pelikula, ang Anatomiya ay nanggagaling pa sa isang teatro at isinulat para sa pelikula ni Malou Jacob.

Ang mga miyembro galing sa tanyag na production group mula sa Cebu na gumawa ng Di Ingon ‘Nato (Not Like Us) at My Paranormal Romance ay siya ring gumawa ng naparangalang mga pelikula sa Cinema One Originals na Ang Damgo ni Eleuteria at Confessional (para kay Ruel Antipuesto and Publio Briones) sa nakaraan.

Katangi-tangi ang festival na ito dahil sa dalawang Cinema One Original Honorary awardees – ang aktor-direktor na si Mario O’Hara at ang nag-iisang Superstar, Ms. Nora Aunor. Ang dalawa ay iginagalang sa kanilang pagpupun­yagi sa larangan ng independent cinema. Si O’Hara ay ang direktor ng mga klasiko katulad ng Babae sa Breakwater at Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio, Condemned, Bulaklak sa City Jail, at Babae sa Bubungang Lata. Si Nora Aunor ay gumanap at nag-produce rin ng Tatlong Taong Walang Diyos, Banaue, Bona, at Condemned. Ang dalawang cinema giants ay makakatanggap ng parangal na Originals in Philippine Cinema sa Nov. 13 awards ceremonies ng 2011 Cinema One Originals Festival sa Crowne Plaza.

vuukle comment

ANTOINETTE JADAONE

BIG BOY

CEBU

CINEMA

MY PARANORMAL ROMANCE

NOT LIKE US

PELIKULA

PELIKULANG

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with