^

Punto Mo

Kulto ba o iglesya?

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

NASA sentro ng kontrobersiya ngayon ang nagsasabing siya ang “Appointed Son of God,” si Pastor Apollo Quiboloy, pundador ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) church na nakabase sa Davao City at nagmamalaking may apat na milyong miyembro sa Pilipinas at karagdagang dalawang milyon pa sa iba’t ibang bansa. Diumano, umaabot na sa bilyun-bilyong piso ang kayamanan ni Quiboloy na galing sa pinagpaguran ng mga miyembro nito. May magara siyang mansion, private jet, TV at radio network, at marami pang iba.

Nagsasagawa ng pagdinig ang Senado hinggil sa alegasyon ng ilang dating miyembro ng KOJC na si Pastor Quiboloy ay sangkot sa child abuse, sex-trafficking at human rights violations. Sa kabila ng subpoena, hindi siya sumisipot sa mga pagdinig, kaya’t siya’y ipinaaaresto na dahil sa “contempt.”

Nagsampa na rin ang Department of Justice ng kasong child abuse at qualified human trafficking laban kay Quiboloy, mga kasong walang piyansa. Nauna rito, sinampahan ng isang korte sa US si Quiboloy ng kasong sex trafficking, child abuse, fraud, at smuggling ng dolyar. Kasama siya sa listahan ng “Most Wanted Persons” ng Federal Bureau of Investigation ng U.S.

Kulto ba o lehitimong iglesya ang KOJC? Ano ba ang pagkakaiba? Ang iglesya’y kalipunan ng mga taong naniniwala sa pangaral ni Hesus at sumusunod sa Kanyang mga utos at halimbawa. Ang katapatan ng mga miyembro ng lehitimong iglesya ay na kay Hesus lamang, hindi sa sinu­mang tao o grupo.

Galing ang kulto sa salitang French na “culte,” ibig sabihin ay “worship” o pagsamba. Ang lider ng kulto ay sinasamba ng mga miyembro nito na mistulang Diyos o may kapangyarihang tulad ng Diyos. Karaniwan, idinideklara ng lider ng kulto na siya’y si Hesus, o reinkarnasyon ni Hesus, Propeta o Mesyas, o anghel ng Diyos. 

Naririto ang iba pang katangian ng isang kulto.  Una, ang lider nito’y may ganap na kapangyarihan, ngunit walang pananagutan. Kung sugo ka ng Diyos o ikaw mismo’y Diyos, kanino ka pa nga ba mananagutan? Ikalawa, hinihingi ng lider sa miyembro ang ganap na katapatan nang walang tanung-tanong. Iiwan ang pamilya, ang trabaho, ang lahat-lahat para sumunod sa lider. Ikatlo, hindi maaaring tanggihan o tanungin man lamang ang anumang sabihin o iutos ng lider, sapagkat ang salita niya’y batas na parang salita ng Diyos. Ikaapat, ang lider ay may di-maipaliwanag na takot na siya’y sasaktan o papatayin sa labas ng itinuturing niyang kaharian, kung kaya’t gumagawa siya ng mga hakbang na puprotekta sa kanya, maaaring kasama rito ang masasamang pakikipagsabwatan o persekusyon.

Base sa mga nabanggit na katangian, ang KOJC ba ay isang kulto o lehitimong iglesya? Kung pagaganahin ang kritikal na pag-iisip, alam mo na ang tamang sagot. Noon pa mang panahon ni Hesus, nagbabala na Siya tungkol sa kulto nang sabihin Niya sa Mateo 7:15-17, “Mag-ingat kayo sa mga huwad na propeta. Lumalapit sila sa inyo na parang tupa, ngunit ang totoo’y mababangis na asong-gubat. Makikilala ninyo sila sa kanilang mga gawa. Mapipitas ba ang ubas sa puno ng dawag, o ang igos sa matitinik na halaman? Mabuti ang bunga ng mabuting puno, subalit masama ang bunga ng masamang puno.” Magpakatalino para hindi maloko ng kulto!   

vuukle comment

APOLLO QUIBOLOY

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with