^

Punto Mo

Bagong taon ng pag-asa

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

SA huling survey na ginawa ng Pulse Asia, lumabas na 92% ng mga Pilipino ang tumatanaw sa 2024 na punumpuno ng pag-asa. Gayunman, 30% lamang mula sa mga sumagot sa survey ang naniniwalang mas magiging masagana sila sa darating na taon.

Dalawang bagay ang lumulutang sa survey na ito. Una, talagang ang mga Pilipino’y laging punumpuno ng pag-asa sa harap man ng sitwasyong mahirap umasa. Ito ang pinanggagalingan ng ipinagmamalaking “resiliency” ng mga Pilipino, hindi siya basta sumusuko at madali siyang nakakabangon mula sa pagkadapa. Ikalawa, ang pag-asa ng mga Pilipino’y hindi nakasalalay sa masaganang buhay. Ibig sabihin, sa gitna man ng kahirapan ay mataas pa rin ang pag-asa ng isang Pilipino.

Maasahan ba ang pag-asa? Ang pag-asa’y isang makapangyarihang puwersang mag-aahon sa tao mula sa kabiguan tungo sa pagtatagumpay. Kapag ang isang maysakit ay nawalan ng pag-asa, wala na siyang pag-asang gumaling. Ang “will to live” ay mapapalitan ng “wish to die.” Kapag nawalan ng pag-asa ang isang bilanggo, wala na siyang pag-asang magbago. Sa halip na ma-reform, lalo siyang made-deform.

Alam n’yo ba na ang mga secular thinkers noong ancient world ay hindi naniniwala sa pag-asa?  Hindi sila naniniwala na magandang katangian ang pag-asa. Para sa kanila, ang pag-asa’y isa lamang malik-mata na naglalaho sa isang sandali.  Hindi ito nagtatagal. Ayon sa kanila, ang pag-asa’y walang iniwan sa isang saranggolang lumilipad na nakadepende sa ihip ng hangin. Kapag nawala ang hangin ay babagsak ang saranggola. Hanggang ngayon, maraming tao ang pag-asa’y idinidepende sa ihip ng hangin, sa inog ng suwerte, sa bola ng lotto, jueteng at iba pang games of chance.

Pero iba kapag ang pinag-uugatan ng pag-asa’y ang pananampalataya sa Diyos ng pag-asa. Ang pag-asang ito’y matibay, buhay na buhay at talagang maaasahan—hindi ito weather-weather lang.  Ito’y sa lahat ng panahon at sa anumang panahon. Kapag ang ating pag-asa’y nag-ugat at tumubo sa pananampalataya sa Diyos, hindi maaaring umusbong at mabuhay ang damo ng pag-aalinlangan. Si Dr. Robert Schuller, ang pastor ng The Crystal Cathedral sa U.S. ay nagsabing, “Ang pananampalataya’y ang pag-aalinlangan sa iyong pag-aalinlangan.” Kapag mayroon kang pananampalataya, ang namumuong pag-aalinlangan ay pinag-aalinlanganan mo hanggang sa ito’y tuluyang wasakin ng iyong pananampalataya. Ang pananampalata’y laging nagsisilang ng pag-asa. Kapag may pananampalataya ka, laging buhay ang iyong pag-asa.

Ganito ang depinisyon ng Hebreo 11:1 tungkol sa pananampalataya, “Ang pananampalataya ay ang katiyakan na mangyayari ang ating mga inaasahan, at paninindigan tungkol sa mga bagay na hindi nakikita.” Dahil sa pananampalataya, sigurado tayo sa ating pag-asa.  Laging magkasama ang pananampalataya at pag-asa.

Ano ba ang dapat inaasahan ng isang may pananampalataya sa Diyos? Hindi lamang pagpapalang materyal ang inaasahan niya. Maraming pagpapalang higit pa rito, tulad ng mabuting kalusugan, masayang pamilya, tapat na kaibigan, payapang kalooban, at marami pang iba. 

Marahil, ang 92% na sumagot na punung-puno sila ng pag-asa sa kabila ng paniniwalang hindi magiging masagana ang kanilang bagong taon ay ang mga ito ang itinuturing nilang pagpapala, sa halip na pera lamang. Ituring nawa natin ang 2024 na hindi lamang bilang “Taon ng Dragon,” kundi “Taon ng Pag-asa.”  

vuukle comment

NEW YEAR

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with