^

Punto Mo

Bakuna sa COVID, paghandaan

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

ANO na ang bagong mga kaganapan sa pagtuklas ng bakuna laban sa COVID-19?

Patuloy pa rin ang pagsasaliksik ng mga scientist at ibang eksperto at pag-eeksperimento sa naturang bakuna. Bakuna na masasabing isang daan para muli tayong bumalik sa dating “normal” na takbo ng araw-araw na pamumuhay natin. Sa rami umano ng mga nagsisikap na makalikha ng  bakunang ito, mahirap nang matunton ang lahat ng mga ito.

Ayon sa isang ulat ng Popular Science Magazine na ibinatay sa  isang tracker na lumabas kamakailan sa New York Times, umaabot sa mahigit 135 ang bilang ng iba’t ibang mga proyekto sa mundo na nag-eeksperimento o nagsasaliksik sa kinakailangang bakuna laban sa COVID-19.  Karamihan ng 135 bakunang ito o 125 sa mga ito ang nasa stage 1 pa lamang na ibig sabihin ay hindi pa ito nasusubukan sa tao. Dalawa pa lamang ang nasa stage 3 na sinusubukan ng mga researcher ang epekto nito sa pangkalahatang populasyon. Isa sa dalawang stage 3 vaccine na ito ay matagal nang nalikha at ginagamit na proteksyon sa mga tao laban sa tuberculosis pero maaaring may ilang epekto laban sa COVID. Ang pangalawa naman na ginawa ng Oxford University ay maaaring maihanda bandang Setyembre pa ng taong ito. Isang pagiging optimistiko lang ang sinasabing ang ibang sinasaliksik na mga bakuna ay maaaring malikha sa maagang bahagi ng 2021.

Tulad ng kawalang katiyakan sa pag-usbong ng bakuna laban sa COVID-19, ang pagbabakuna ang pinakamahusay na pag-asa para matagumpay na malabanan ang virus. Gayunman, sa ngayon ayon sa mga eksperto, dapat ipagpatuloy ang madalas na paghuhugas ng mga kamay, sumunod sa social distancing hangga’t maaari, magsuot ng face mask kapag nasa labas o nasa kalsada o pampublikong lugar o nasa mga lugar na maraming tao at magpakuwarantina kapag merong senyales ng sakit.

Kahit pa nakakabanaag ng pag-asa sa low dose steroid treatment na natuklasan ng mga British researcher na mas mabisang nakakagamot sa mga pasyenteng malubha sa sakit na COVID-19, kailangan pa rin itong dumaan sa kailangang proseso tulad ng hiwalay na pag-aaral dito ng ibang mga scientist para  lalong maputanayang epektibo. Tulad ng ipinagdidiinan ng Department of Health, ginagamit lang ito kapag malubha at nasa ospital ang pasyente.

Pero, dahil nga nakakamatay ang COVID-19, lubhang kinakailangan talaga ang bakuna laban dito. Tulad din ito sa kaso ng ibang sakit na tulad ng dengue, polio, flu, pneumonia, tigdas, tetanus, hepatitis, chickenpox, diphtheria at iba na meron nang mga bakuna para hindi tablan dito ang mga tao. Kailangan ang bakuna para hindi na kailangang hintayin na may mahawa sa sakit na ito.

May mga usapin nga lang na dapat ding paghandaan at linawin ng pamahalaan at ng ibang kinauukulan sakaling meron nang bakuna laban sa COVID-19. Paano babakunahan ang milyun-milyong mamamayan? Magiging libre ba ito para sa lahat? Sasagutin ba ng pamahalaan ang pagbabakunang ito? Siguro, uunahin sa pagbabakuna ang mga maliliit na bata at mga  senior citizen dahil ang mga ito ang mas madaling tablan ng COVID-19. Sakaling may bayad ito, sana ay sa presyong kaya ng bulsa ng mahihirap na mamamayan.

Email: [email protected]

 

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with