Big-time drug trafficker huli sa P8.8 milyong shabu
![Big-time drug trafficker huli sa P8.8 milyong shabu](https://media.philstar.com/photos/2023/08/20/man-arrested-stock-photo-philstarcom-jovannie-lambayan-62023-08-1521-02-042023-08-1823-06-23_2023-08-20_00-06-07.jpg)
MANILA, Philippines — Umiskor ang pinagsanib na elemento ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kasunod ng pagkakaaresto sa isang pinaghihinalaang big time drug pusher habang aabot naman sa P8.8-milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa isinagawang drug buy-bust operation sa Brgy. Maasin, Zamboanga City nitong Biyernes ng hapon.
Sa report, kinilala ni P/Lt. Col. Helen Galvez, spokesperson ng Police Regional Office (PRO)-9 ang nasakoteng suspect na si Adus Janaidi Aming, 43-anyos, tubong Siasi, Sulu.
Bandang ala-1:12 ng hapon nang isagawa ang buy-bust operation laban sa target na si Aming sa Brgy. Maasin ng lungsod na ito.
Ayon kay Galvez, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba hinggil sa talamak na pagtutulak ng droga ni Aming kaya agad na ikinasa ang operasyon kung saan nakipag-deal sa kanya ang isang poseur buyer.
Habang isinasagawa ang bilihan ng droga, agad na inaresto ng mga back-up police ang suspek. Nasamsam sa kanya ang humigit kumulang sa 1.3 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P8,840,000.
“I render my snappiest salute to the operatives of Philippine Drug Enforcement Agency-Zamboanga City and Team PRO 9. This accomplishment exemplifies the strong inter-agency cooperation between PDEA and PNP in Zamboanga Peninsula,” pahayag ni P/Brig. Gen. Neil Alinsañgan, director ng PRO-9.
- Latest