Notoryus na drug dealer, timbog sa P3.4 milyong shabu
CAVITE, Philippines — Matapos ang tatlong linggong surveillance ng pulisya sa tila “palos” na bigtime dealer at tulak ng shabu, nalaglag din ito sa kamay ng grupo sa ikinasang drug bust operation sa isang parking lot ng mall sa lungsod ng Dasmariñas, kamakalawa ng hapon.
Arestado ang isa sa dalawang suspek na nakilalang si Alinor Musor Mama alias “Lukman”, nasa hustong gulang residente ng nasabing lungsod habang nakatakas ang kasama nito na nakilala sa alias “Samin” makarang umakyat sa mataas na bakod at tumalon sa creek.
Sa ulat ng pulisya, alas-2 ng hapon nang ilatag ng pinagsanib na grupo ng Dasmariñas Police at PDEA ang buy-bust operation laban kay Lukman nang makipagkasundo sa poseur buyer na magkikita sa isang parking lot ng mall sa lungsod na Dasmariñas.
Nang magkaabutan na ng droga at bayad, naglutangan na ang mga operatiba at dinakma si Lukman habang mabilis na tumakbo ang kasamahan nito nang maramdaman ang presensya ng mga pulis at umakyat sa steel fence ng parking lot saka lumundag sa creek kung saan siya tuluyang nakatakas.
Nakuha sa pangunahing suspek ang may mahigit sa 500 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P3,450,000, ang boodle money na ginamit sa operasyon at ang multicab na gamit ng mga suspek pagpasok sa parking lot ng mall.
- Latest