^

Probinsiya

109-anyos na lola, kinilala sa North Vizcaya

Victor Martin - Pilipino Star Ngayon
109-anyos na lola, kinilala sa North Vizcaya
Si Nueva Vizcaya Mayor Timothy Joseph Cayton habang inaabot ang sertipiko ng pagkilala kay Maria Manuel-Atibew, 109-taong gulang, na tinaguriang pinakamatandang lola sa lalawigan.
Victor Martin

DUPAX DEL NORTE, Nueva Vizcaya, Philippines — Kinilala bilang pinakamatandang nabubuhay sa lalawigang ito ang isang 109-anyos na lola kasabay ng selebrasyon ng Filipino Elderly Week sa nabanggit na bayan nitong Lunes.

Si Lola Maria Manuel-Atibew, residente ng Barangay Macabenga ay ipinanganak noong Disyembre 27, 1912 at itinuturing ngayon na pinakamatandang nabubuhay sa buong lalawigan ng Nueva Vizcaya at posibleng maging sa buong Cagayan Valley o Region 2.

Ayon kay Mayor Timothy Joseph Cayton, unang binigyan ng lokal na pamahalaan ng pagkilala si Lola Maria noong Oktubre 2019, bago pa man ang pandemya na dulot ng COVID-19, at ipinagkaloob sa kanya ang P100,000 mula sa provincial government.

Pinangunahan ni Cayton ang ilang opisyal ng LGU-Dupax del Norte, ang pagbisita kay Lola Maria para personal na kumustahin at alamin ang kalagayan nito matapos ang mahigit sa dalawang taon na paghihigpit dahil sa COVID-19.

Bilang maagang regalo kay Lola Maria na magdiriwang para sa kanyang ika-110 na kaarawan sa Disyembre 27, ipinasakamay sa kanya ang tseke na nagkakahalaga ng P30,000 at tumanggap din ng kaban ng bigas at groceries.

Karagdagang bagong wheelchair din ang matatanggap ni Lola Maria mula sa LGU-Dupax del Norte matapos makitang luma na ang gamit nitong wheelchair.

Ayon kay Lino, 55, isa sa mga walong anak ni Lola Maria, malakas pa ang kanyang ina at kahit walang suot na salamin sa mata ay namumukhaan niya ang kanyang mga apo na lumalapit sa kanya.

Pahayag din ng isa pang kamag-anak na ganado rin kumain si Lola Maria lalo at paborito niyang ulam ay ang karne.

Si Lola Maria ay may 25 na apo at 27 na apo sa tuhod. Tatlo na sa kanyang walong anak ay sumakabilang buhay kabilang ang kanyang asawa na namatay sa edad na 100. 

vuukle comment

LGU

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with