Umawat sa away ng magkakapatid, tinaga

GUIMBA, Nueva Ecija, Philippines — Napasama pa ang ginawang pag-awat ng isang 48-anyos na magsasaka sa magkapatid na nag-aaway sa harap ng isang inuman nang tagain ito sa kanyang kaliwang binti sa Barangay Consuelo ng bayang ito,kamakalawa ng hapon.

Ayon sa Guimba Police, ginagamot ngayon ang isang Edgar Tangonan, 48, biyudo ng nasabing barangay, sa Guimba District Hospital matapos hatawin ng itak sa kanyang kaliwang binti ng suspek na si Roderick Tabago,41,magsasaka ng nasabing lugar.

Nabatid sa ulat, alas-3:00 ng hapon nag-iinuman ang biktima at suspek kasama ang dalawang utol nito na sina Reggie Tabago, 39, at Nelson Tabago 37, nang magkainitan at magsagutan umano ang magkakapatid sa hindi nabatid na paksang pinag-uusapan.

Dahil sa pagmamalasakit ng biktima na huwag nang lumala pa ang pagtatalo ng tatlong magkakapatid ay pinilit niya umanong pumagitna hanggang sa mapapayapa ang mag-uutol.

Inakala umano ng mga tao roon ay ayos na ang lahat nang umuwi na sa kanyang bahay ang suspek na si Rode­rick, ngunit kumuha lang pala ito ng isang mahabang itak at bumalik sa lugar ng kanilang inuman at hinataw ang biktima na tinamaan sa kanyang kaliwang binti.

 Agad na tumakas ang suspek at ngayo’y pinaghahanap pa rin ng pulisya. 

Show comments