Angkas ng motor dedo sa armored van
KIDAPAWAN CITY, Philippines — Nasawi noon din ang isang backrider habang mapalad namang nakaligtas ang driver nang salpukin ang sinasak-yan nilang motorsiklo ng isang armored van sa Sitio Fatima, Brgy Junction, sa lungsod na ito, kamakalawa ng hapon.
Ang nasawi ay si Kenneth Barbosa Alviso, 20, habang sugatan naman ang driver ng motorsiklo na si Willy Bacalangco De Guzman, 40-anyos.
Ayon sa ulat ng Kidapawan City PNP traffic section, parehong binabaybay ng dalawang sasakyan ang National Highway patungong Kidapawan City nang maganap ang aksidente alas-2:45 ng hapon nitong Miyerkules.
Pagsapit sa lugar na pinangyarihan ng insidente, ay nasalpok ng armored van na minamaneho ni Roldan Davin Dela Cerna, 27 ang motorsiklong nasa kanyang unahan dahilan upang sumemplang ang dalawa na ikinasawi ni Alviso.
Napag-alamang mabilis ang takbo ng sasakyan at posibleng hindi nito napansin ang naunang motorsiklo.
Nasa kustodya na ng mga otoridad ang drayber ng armored vehicle habang inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa kanya.
- Latest