Guro pinatay sa sakal

CAMARINES NORTE, Philippines - Pinatay sa sakal bago ibinitin ang 27-anyos na elementary school tea­cher ng di-kilalang lalaki sa Purok 1, Barangay Bagasbas sa bayan ng Daet, Camarines Norte noong Biyernes ng umaga.

Bandang alas-11:45 ng umaga nang matagpuan ng katiwala ng palaisdaan ang bangkay ni Lawrence Totanes na nakabitin sa puno ng bakawan.

Si Totanes na nakatira sa Barangay Manguisoc sa bayan ng Mercedes ay guro sa Caringo Elementary School at miyembro ng Samahan ng mga Reperi sa Basketball sa Camarines Norte.   

Sa resulta ng awtopsiya na ipinalabas kamakalawa,  wala namang palatandaan na binaril o sinaksak ang biktima maliban lamang sa nylon cord na itinali sa leeg na pinaniniwalaang pinatay sa sakal.

Ayon kay P/Chief Insp. Allan Docyogen, hepe ng pulisya sa bayan ng Mercedes, huling namataang buhay ang biktima na nagpaalam sa kanyang misis na maglalaro ng basketball.

Subalit anim na araw na ang nakalipas ay hindi pa umuuwi ang biktima kaya ipinaabot na sa kinauukulang ahensya ng pamahalaan.

Namataan din ng ilang residente ang motorsiklo ng biktima sa dalam­pasigan sa Barangay San Roque.

Show comments