Mag-ama, tiyuhin inutas sa piyestahan

CAMP PACIANO RIZAL, Philippines - Nagbuwis nang buhay ang mag-ama at isa pang kaanak makaraang pagbabarilin ng kanilang kapitbahay sa idinaraos na kapistahan sa Barangay Mamatid sa bayan ng Cabuyao, Laguna kamaka­lawa ng gabi.

Kinilala ang mag-amang napatay na sina John Leeward Leopando, 14, estudyante; at Reynaldo Leopando, 45.

Namatay naman sa Calamba Doctors Hospital si Leon Mangao, 53, dahil sa apat na tama ng bala ng cal. 45 pistol.

Samantala, tugis naman ng pulisya ang suspek na si Roberto Manalo.

Sa report ni P/Supt. Armel Gongona, hepe ng pulisya, lumilitaw sa imbestigasyon, dakong alas-8 ng gabi nang magkainitan ang pamilya ng suspek at mga biktima dahil sa naganap na aksidente ng motorsiklo sa lugar.

Sinasabing malapitang pinagbabaril ng suspek ang mga biktima at mabilis na tumakas kung saan nadamay pa ang batang si John Leeward na katulong ng kanyang ama sa pag-awat kabilang ang tiyuhin nitong si Mangao.

Show comments