MANILA, Philippines - Doble kamalasan ang sinapit ng isang Haponesang estudyante matapos itong gahasain ay pagnakawan pa sa loob ng isang boarding house sa Baguio City kamakalawa.
Ang biktimang itinago sa pangalang Akiko, 20-anyos isang exchanged student sa AB English sa University of Baguio at tubong Nagasaki, Japan.
Ayon kay Sr. Inspector Karissma Sta. Juana, Spokesperson ng Baguio City Police, arestado naman ang suspek na nahaharap sa kasong robbery with rape na kinilalang si Jomar Garcia, 21-anyos.
Sa salaysay ng biktima sa mga awtoridad, niyaya umano siya ng suspek na nakipagkaibigan sa kaniya na uminom ng alak sa boarding house nito sa Lower Cabinet hill ng lungsod kung saan naganap ang panghahalay dakong alas-5:20 ng madaling- araw nitong Huwebes.
Nang malasing na umano ay dito na siya hinubaran ng suspek saka hinalay kung saan dahilan sa sobrang panghihina ay hindi niya nagawang makapanlaban.
Gayunman, nang matauhan ang biktima ay nalaman nito na nawawala na rin ang kanyang bag na naglalaman ng digital camera, cell phone, wallet at iba na may kabuuang halagang P28,000 kaya nagsuplong sa pulisya na nagresulta sa pagkakahuli sa rapist.