Tsinap-chop na mister natagpuan

MANILA, Philippines - Natagpuan na rin ng kaniyang pamilya ang nawawalang mister na tsinap-chop ang katawan noong Biyernes na halos bungo na dahil sa pagkaagnas sa loob ng dalawang plastic ng basura na inabandona sa bayan ng Pangil, Laguna. 

Sa ulat ni P/Senior Ins­pector Percival Gabinete, hepe ng Pangil PNP, bandang alas-12:10 ng hapon nang madiskubre ang umaalingasaw na pinag­lagyan sa tsinap-chop at naagnas na katawan ng biktima sa  masukal na ba­hagi ng Sitio Lam-ao Brgy. Sulib.

Ang bangkay ay halos bungo at kalansay na dahil sa pagkaagnas nito simula ng paslangin ang biktimang si Edgardo Evarvia, 49, ng Brgy. Bagong Silang, Lumban, Laguna.

Ayon kay Gabinete ang biktima ay positibong kinilala ng kapatid nitong Loreta Evarvia Victoria sa pamamagitan ng suot nitong maong na short pants.

Ang biktima ay huling namataang buhay habang lulan ng pampasaherong jeepney noong Oktubre 4 na patungo sa bayan ng Siniloan, Laguna kung saan nabigo na itong makauwi.

Sa follow-up operations ng pulisya, inaresto naman ng mga awtoridad ang mga suspek na sina Noh “Toti” Macabasco, Felicisimo Perez, Mark Anthony Quintero, at si Ivan Huge Asedillo.

Show comments