Magkaibigan itinumba sa harap ng hotel

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines — Dalawang babae ang iniulat na napaslang makaraang pagbabarilin ng ‘di-kilalang lalaki sa harapan ng hotel sa Barangay Cruzada sa Legazpi City, Albay noong Miyerkules ng gabi.

Kinilala ang mga na­patay na sina Amelia Lita, 41, ng Camalig, Albay at Susana Maria Nayve, 46, ng Em’s Barrio na kapwa real state broker at contractor sa Bicol.

Lumilitaw na magkasamang naglalakad ang da­lawa sa kahabaan ng highway sa Brgy. Cruzada nang harangin at ratratin.

 Bagama’t nagawa pang makatakbo ni Lita para magtago sa gate ng Alicia Hotel subalit hinabol ng gunman saka tuluyang tinapos.

Ayon kay P/Supt. Oscar Regala, hepe ng pulisya, isinaisantabi ang anggulong robbery dahil narekober sa bag ni Lita ang P200,000, cal. 45 pistol, alahas, personal na gamit at ng mga dokumento.

Sinisilip ng pulisya ang anggulo sa krimen ang business rivalry o kaya love triangle dahil si Lita ay sinasabing tomboy.

Show comments