Artist sketch ng gunman ng Bacoor BIR officer inilabas

MANILA, Philippines - Ipinalabas na kahapon ng pulisya ang cartographic sketch ng gunman na responsable sa pagpatay sa BIR Officer na si Albert Hernandez sa bayan ng Bacoor, Cavite noong Biyernes ng Marso 25.

Si Hernandez, 51, Revenue Officer 1 ay document processor ng Bureau of Internal Revenue sa Bacoor Branch at residente ng Annex 35, Block 3, Lot 12, Cyrus Street, Parañaque City ay napaslang dakong alas-9 ng umaga matapos pagbabarilin sa kanyang opisina sa Tirona Highway, Barangay Dulong Bayan.

Ayon kay P/Chief Supt. Samuel Pagdilao Jr. ng Calabarzon PNP, ang suspek na nasa edad 43 ay gumamit ng Super 38 pistol at naglakad pa sa hagdanan patungo sa ikalawang palapag ng BIR building.

Kaugnay nito, inatasan na ni Pagdilao si Cavite PNP director P/Senior Supt. Danilo Maligalig na bumuo ng Special Investigation Task Group upang pabilisin ang imbestigasyon sa pagpatay kay Hernandez.

Samantala, binigyan na rin ng direktiba ni Pagdilao ang Crime Laboratory Service ng Cavite PNP para tapusin kaagad ang resulta ng ballistic examination sa mga basyo ng bala na nakuha sa crime scene para mai-cross match sa iba pang mga bala na narekober sa iba pang insidente ng pamamaril sa Cavite at Southern Tagalog Region. Cristina Timbang at Joy Cantos

Show comments