2 holdaper dedo sa shootout

RIZAL , Philippines — Kapwa na­patay ang dalawang holdaper na lulan ng motorsiklo makaraang makipagbarilan sa mga kagawad ng batas, kamakalawa ng gabi sa ba­yan ng Taytay, Rizal.

Isa sa dalawang napatay ay nakilalang si Peter Daracen ng Lot 4, Block 1, ES Village, Tanyag, Antipolo City, Rizal.

Lumilitaw na naunang hinoldap ng dalawa si Christine Cruz, 38, sa harap ng convenience store sa Manila East Road, Brgy. San Juan.

Matapos tangayin ang bag ni Cruz na naglalaman ng hindi nabatid na halaga at ilang papeles ay agad na tumakas ang dalawa lulan ng motorsiklo na may plakang PJ-4338.

Tiyempo namang napadaan sa nabanggit na lugar ang mobile patrol unit ni SPO2 Froilan Loyola kung saan napagsumbu­ngan ni Cruz. 

Kaagad namang hinabol ng mga pulis ang motorcycle-riding holdaper kung saan nakorner sa tapat ng Rizal Techno Park.

Sa halip na sumuko, ay nagpaputok ang dalawa kaya nauwi sa shootout hanggang sa mahawi ang usok kung saan kapwa duguang bumulagta ang da­lawa.

Narekober naman ng pulisya ang dalawang baril, isang cellular phone, at isang itim na bag na pag-aari ni Cruz.

Show comments