Douglas Quijano, natagpuang patay

LUCENA CITY, Que­zon, Philippines – Natagpuang patay sa kanyang kuwarto ang sikat na movie at television talent manager na si Douglas Quijano kahapon ng umaga sa bayan ng Lucban, Quezon.

Ayon kay P/Senior Inspector Francis Pasno, Lucban police chief  na­tagpuan si Quijano, 65, ng kanyang mga kasam­ba­hay na nakahandusay sa sahig ng kanyang kuwarto sa Countryville Subdivision sa Brgy. Ayute ban­dang alas-10 ng umaga.

Napag-alamang ma­sama na umano ang paki­ramdam ni  Quijano noong Biyernes ng gabi matapos makaramdam ng pangi­ nginig ng kanyang katawan bago matulog. 

“Sinabihan pa nga ng mga kasambahay na da­dalhin nila sa ospital pero tumanggi na ito at natulog na lang,” pahayag ni Pasno

Nagtaka na lang ang mga kasambahay ni Qui­jano nang hindi pa nagi­gising ang kanilang amo noong Sabado ng umaga na nagbunsod para nila ito katukin sa kuwarto. 

Nang hindi sumasagot si Quijano, pinasok na ito ng mga kasambahay ka­sama ang driver at natag­puan na lang ang kanilang amo sa gilid ng kama. 

Agad namang ipina­alam ng mga kasama ni Quijano sa kaibigan at kapitbahay nilang si Ro­drigo Pabino na siya na­mang nagpunta sa police station para I-report ang insidente.

Sa inisyal na ulat ng Scene of the Crime Operatives, namatay si Quijano da­hil sa cardiac arrest at isina­santabi ang foul play dahil wala namang force entry at kaguluhang na­ganap sa loob ng kuwarto ng bik­tima.

Si Quijano ay talent ma­n­ager ng mag-asa­wang Ri­chard Gomez at Lucy Tor­res, mag-utol na Jomari at Anjo Yllana, Joey Mar­quez at maraming iba pa. - Arnell Ozaeta


Show comments