Informer dinukot

CAMP CRAME – Dinukot ng limang maskaradong kalalakihan ang isang itinuturong informer ng pulisya at militar sa naganap na insidente sa Davao City, kamakalawa.

Kinilala ang biktima na si Gay Jumamel, ng nasabing lungsod na aktibong sumusuporta sa kampanya laban sa kriminalidad at insureksyon.

Batay sa ulat ng Davao City Police, naganap ang pagdukot sa biktima dakong alas-11 ng gabi sa Barangay Santo Rosario, Buhangin.

Sa inisyal na imbestigasyon, ang biktima kasama ang mga kabarkada nito ay kasalukuyang nag-iinuman sa tahanan ni Lucia Gomea, Purok, Leader nang biglang sumulpot sa lugar ang mga kidnaper.

Walang nagawa ang biktima nang tutukan ng baril at puwersahang isakay ng mga suspek sa naghihintay na L-300 van.

Ang mga kidnaper ay mabilis na tumakas sa lugar tangay ang biktima patungo sa hindi pa malamang destinasyon. (Joy Cantos)

Show comments