Anak tinodas sa pagtatanggol sa ina

KAMPO SIMEON OLA, Legazpi City – Isang tinedyer na lalaki ang iniulat na nasawi matapos na pagsasaksakin ng kanilang kapitbahay na tinangkang halayin ang sariling ina kahapon ng madaling-araw sa Sitio Sapang Buwaya, Barangay Pararao sa bayan ng Balatan, Camarines Sur. Nagtamo ng maraming sugat ng patalim sa katawan ang biktimang si Allan Burce, samantalang kritikal naman ang ina nitong si Gloria Burce, 33, biyuda, na ginagamot sa Mediatrix Hospital sa Iriga City.

Kalaboso naman ang suspek na si Jay Emberzo, 22, jobless ng nabanggit na barangay.

Napag-alamang pumasok ang suspek sa bahay ng mag-ina na kasalukuyang natutulog dakong alas-2 ng madaling-araw.

Ayon sa ulat, nagising at nagsisigaw ang ina ng tinedyer dahil sa naramdamang dumagan sa kanyang katawan ang suspek.

Agad namang sinaklolohan ng biktima ang kanyang ina, subalit sinalubong ito ng sunud-sunod na saksak ng patalim na ikinasawi nito.

Binalingan naman ng suspek ang biyuda at inundayan rin ng saksak bago nagtangkang tumakas, pero nagising ang ilang kapitbahay dahil na rin sa ingay kaya nasakote ang papatakas na si Jay na pinaniniwalaang lango sa bawal na gamot. (Ed Casulla)

Show comments