4-anyos napisak ng jeep

Camp Pantaleon Garcia, Cavite – Napisak ang murang katawan ng isang 4 anyos na batang babae matapos na aksidenteng magulungan ng isang rumaragasang pampasaherong jeepney sa Provincial Road ng Brgy. Kaytitinga 2, Alfonso Cavite kamakalawa ng hapon.

Ang biktima ay nakilalang si Johanna Palacio, residente ng Brgy. Cabulusan, Gen. Aguinaldo, Cavite.

Kusang-loob namang sumuko sa pulisya ang jeepney driver na si Gregorio Esguerra, 40, may-asawa at naninirahan naman sa Brgy. Medina, Magallanes ng nasabi ring lalawigan.

Sa isinagawang imbestigasyon ni PO1 Wilfredo Bergado, may hawak ng kaso, bandang alas-2 ng hapon habang tumatawid ang biktima sa kalsada nang masalpok ng rumaragasang pampasaherong jeepney na may plakang NCF-579.

Bigla na lamang umanong tumawid ang biktima kaya’t di ito napansin ng driver dahilan sa kaliitan nito.

Sa tindi ng pagkakabangga ay agad na binawian ng buhay ang bata habang sumuko naman sa pulisya ang driver para panagutan ang kaso. (Ulat ni Cristina G. Timbang)

Show comments