Hapones nagbayad ng Y2-M para patayin ang sarili

ILOILO CITY – Isang negosyanteng Hapones na nagmamay-ari ng sampung taxi ang iniulat na nagbayad ng 2-milyon yen at P4,000 sa kanyang pinagkakatiwalaang taxi driver para patayin siya dahil sa hindi makayanang kinakaharap na problema.

Sa ibinigay na salaysay sa pulisya ni Rolando M. Pantillo, driver ng Hiro taxi na pag-aari ng kanyang among si Chikahiro Yasuma na nakiusap sa kanya ang Hapones noong Martes ng gabi na patayin siya o kaya maghanap ng ibang killer at ibigay ang pera kapag matagumpay na naisagawa ang pagpatay.

Nasaksihan din ni Lanie Ang ang pagbibigay ng pera kay Pantillo ni Yasuma at dahil sa naibigay na malaking tulong ng Hapones sa naturang driver ay hindi nagawa ang kahilingan ng amo.

Humingi naman ng tulong si Pantillo sa mga mamamahayag upang suportahan ang kanyang ginawa kaya kaagad na ipinagbigay-alam sa himpilan ng pulisya ang pangyayari.

"Magpapakamatay na sana si Yasuma sa pamamagitan nang pagbibigti ngunit naisalba niya," ani pa ni Pantillo.

Bandang alas-3 ng hapon kahapon ay nagtungo sa bahay ni Yasuma si SPO1 Alex Gadi, PO3 Hervert Balligo kasama ang grupo ng radio reporters mula sa Aksyon Radyo upang isauli ang malaking halaga. (Ulat ni Leo Solinap)

Show comments