Trike driver tinodas sa harap ng ama at kapatid

STA. MARIA, Bulacan — Hindi na umabot pa ng buhay sa pinagdalhang pagamutan ang isang trike driver matapos na pagbabarilin ng tatlong hindi kilalang armadong kalalakihan habang sakay ng tricycle ang biktima kasama ang sariling ama at kapatid sa Brgy. Pulong Buhangin sa bayang ito kamakalawa ng tanghali.

Ang biktima na nagtamo ng maraming tama ng bala ng baril sa katawan ay nakilalang si Rosendo Dimanlig, Jr., 53, may asawa ng Maria Subd., Brgy. Poblacion ng naturang lugar.

Hindi naman kaagad nakilala ang mga killer dahil sa mabilis na nagsitakas matapos isagawa ang krimen.

Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang pananambang sa biktima bandang alas-12 ng tanghali makaraang harangin ng mga killer ang tricycle na sinasakyan ng biktima kasama ang sariling amang si Rosendo Sr. at kapatid nitong si Nestor.

Inaalam pa sa kasalukuyan ng pulisya ang motibo sa pagpatay sa biktima na pinalalagay na binayaran ang mga salarin para isagawa ang pananambang. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments