Laguna Provincial Jailbreak: 3 preso pumuga

CAMP VICENTE LIM, Calamba – Tatlo na namang preso ang iniulat na pumuga sa kanilang selda sa Laguna Provincial Jail na dito rin nakatakas kamakailan si Luisito San Juan ang sinasabing pangunahing killer ni Atty. Clarence Agarao, habang ipinagdiriwang ang Araw ng mga Puso, kamakalawa.

Nakilala ang mga pumugang bilanggo na sina Colgate Bautista, 27, ng Barangay Dita, Sta Rosa; Reynaldo Burgos, alyas Rey, 23, ng Barangay Limao, Calauan, Laguna at si Giovanni Elasique Lapis, 20, ng Barangay Bayog, Los Baños, Laguna.

Base sa inisyal na ulat, naganap ang pagpuga dakong alas-3:30 ng hapon nang magsagawa ng routine check ang mga jailguard sa mga selda sa Laguna Provincial Jail.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung papaano nakatakas ang mga nabanggit, subalit malaki ang hinala na nakapuslit ang mga ito sa mga bantay dahil sa maraming dalaw ng araw na iyon.

Magugunitang dito din naganap ang umano’y mahiwagang pagkatakas ni San Juan. (Ulat ni Ed Amoroso)

Show comments