Digong muling humarap ng personal sa ICC
MANILA, Philippines — Personal na humarap sa pangalawang pagkakataon nitong Martes si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa mga kaso kaugnay ng kanyang “war on drugs.”
Sa isang “status conference” para ayusin ng mga partido at ng hukom ang mga detalyeng may kaugnayan sa mga pagdinig, makikitang nakaupo si Duterte sa likod ng kanyang defense team at minonitor ang pagsisimula ng mga paglilitis habang may suot na headset.
Si Duterte ang kauna-unahang dating lider ng isang bansa sa Asya na haharap sa paglilitis sa ICC.
Ang ICC ang umuusig sa mga indibidwal na sangkot sa pinakamabibigat na krimen sa mundo, katulad ng “war crimes” at “crimes against humanity.”
Matatandaan na unang humarap si Duterte sa korte sa The Hague sa pamamagitan ng video link nang siya ay unang dinala sa ICC.
Hindi rin siya dumalo sa ilang mga pagdinig bago personal na humarap sa ikatlong status conference ng kanyang kaso noong buwan ng Setyembre.
Ayon sa mga tagausig, sangkot si Digong sa hindi bababa sa 76 na pagpatay mula 2013 hanggang 2018 bilang bahagi ng kanyang kampanya laban sa mga gumagamit at nagbebenta ng ilegal na droga.
- Latest


















