Brodkaster itinumba ng riding-in-tandem

MANILA, Philippines — Namatay habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang isang kilalang hard hitting na komentarista sa radyo matapos na pagbabarilin ng riding-in-tandem gunmen sa loob ng kanyang bakery sa Sitio Sto.Cristo, Brgy. San Roque, Daraga, Albay, kamakalawa ng hapon.
Ang biktima na nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay kinilalang si Adrian Loterte, alyas “Golden Boy”, ng RBN News Television at block timer ng DWIZ-Legazpi City.
Sa ulat ng pulisya, alas-4:24 ng hapon habang nasa loob ng kanyang bakery ang biktima na matatagpuan sa Maharlika National Highway ay dumating ang isang motorsiklo sakay ang dalawang suspek.
Isa sa suspek ang bumaba sa motorsiklo at tumawid ng kalsada patungo sa bakery ng biktima at walang kaabog-abog na pinagbabaril ito sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad tumakas ang gunmen patungo sa direksyon ng Brgy. Kimantong habang mabilis namang isinugod sa pagamutan ang duguang biktima pero nalagutan ng hininga, alas-5:35 ng hapon.
Bumuo na ang pulisya ng “Special Investigation Task Group Golden Boy” para tugisin ang mga suspek.
- Latest

















