DepEd sa LGUs: Paaralan,’wag gamiting evacuation center
MANILA, Philippines — “Iwasang gamitin bilang evacuation centers ang mga paaralan ngayong nalalapit na naman ang panahon ng tag-ulan.”
Ito ang naging panawagan ni Department of Education (DepEd) spokesperson Undersecretary Michael Poa sa mga local government units (LGUs) na maaaring magresulta sa pagkaantala ng pag-aaral ng mga bata.
Ani Poa, ang naturang alalahanin ay ipinaabot na nila sa idinaos na council meeting, kasama ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Matatandaang kalimitan nang ang mga paaralan ang ginagamit bilang evacuation centers ng mga residenteng kailangang lumikas ng kanilang tahanan sa panahon ng kalamidad.
Gayunman, sinabi ni Poa na maging ang mga mag-aaral na hindi naman gaanong apektado ng kalamidad ay hindi rin agad makabalik sa paaralan kung ginagamit na evacuation center ang mga eskwelahan.
Alinsunod sa nirebisang DepEd Order 37, na nilagdaan ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte, maaari namang gamitin ang mga paaralan bilang immediate evacuation site, sa panahon ng kalamidad.
Gayunman, hindi ito dapat na tumagal ng higit sa 15 araw. Ang School Year 2024-2025 ay nakatakdang magsimula sa Hulyo 29, 2024, na panahon pa ng tag-ulan sa bansa.
- Latest