Inflation rate bumagal sa 4.9% nitong Oktubre
MANILA, Philippines — Malaki ang ibinagal ng inflation o galaw ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa nitong Oktubre.
Ayon kay Philippine Statistics Authority (PSA) Chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, nasa 4.9% ang inflation nitong nakaraang buwan, mas mababa sa 6.1% headline inflation noong Setyembre.
Mas mababa pa ito sa forecast range ng Bangko Sentral ng Pilipinas na nasa 5.1 hanggang 5.9%.
Dahil dito, ang average inflation naman mula Enero hanggang Oktubre ay nasa antas na 6.4%.
Paliwanag ng PSA, bunsod ito ng pagbagal sa inflation sa food and non-alcoholic beverages na nasa 7% ang inflation nitong Oktubre mula sa 9.7% inflation noong Setyembere.
Partikular dito ang pagbagal ng galaw ng presyo ng gulay, kamatis, at bigas.
Ang rice inflation nga nitong Oktubre ay bumagal sa 13.2% kumpara sa 17.9% noong Setyembre.
Sa National Capital Region (NCR), bumaba rin sa 4.9% ang inflation mula sa 6.1% noong Setyembre dahil pa rin sa pagbagal ng taas-presyo sa pagkain.
Bukod sa NCR, may 15 rehiyon ang nagtala rin ng mas mababang inflation nitong Oktubre.
- Latest