3.4- milyong seniors hindi pa bakunado
MANILA, Philippines — Nasa 3.4-M mga senior citizens sa bansa ang hindi pa nababakunahan kontra COVID-19.
Ito ang sinabi ni Senior Citizens Partylist Rep. Rodolfo “Ompong “ Ordanes at iminungkahi sa pamahalaan na idiretso na sa mga bahay ng mga senior citizens ang bakuna para maturukan na ang mga ito at maging ang kanilang mga kasamahan sa kanilang mga tahanan.
“Hinihiling ko sa IATF (Inter-Agency Task Force), NTF National Task Force ) Against COVID-19 at mga LGUs (Local Government Units) na suyurin pang mabuti ang bawat iskinita, kalye, purok, sitio, subdivision o condo unit kung saan matatagpuan ang humigit-kumulang 3.4 million seniors na hanggang ngayon ay hindi pa rin nababakunahan,” pahayag ni Ordanes.
Ayon sa World Health Organization (WHO), pinakamaraming unvaccinated Pinoy seniors sa Central Luzon, Southern Tagalog Region, at Central Visayas.
Pinaalala ni Ordanes sa kapwa niya mga seniors na anumang “side effects” ng bakuna gaya ng panghihina o kaunting lagnat ay panandalian lang at lilipas din.
- Latest