Mas mahigpit na quarantine Restrictions posible
MANILA, Philippines — Upang maiwasan ang pagkalat ng mas delikado at mabilis na makahawang Delta variant na may mga naitala ng kaso sa bansa ay may posibilidad na muling magpatupad ng mas mahigpit na quarantine restrictions.
Ito ang inilutang ni Pangulong Rodrigo Duterte at kailangang maiwasan ang mga mass gatherings para hindi magkaroon ng mga “superspreader events.”
Inihalimbawa ni Duterte ang Indonesia, Korea at Taiwan na muli aniyang nag-lockdown dahil sa Delta variant.
Tiniyak din ni Duterte na magpapatupad muli ng mas mahigpit na mga panuntunan kapag kumpirmado nang kumakalat ang Delta variant.
“Pagka nandito na kung sakali man it will spread, I hope it will not, then we’ll have to go again to stricter measures. We are not the only one. And also tinamaan ng Delta is UK. Balik rin sila sa dati,” ani Duterte.
Hinikayat din ni Duterte ang Department of Interior and Local Government at ang Philippine National Police na ipatupad ang mga kasalukuyang panuntunan upang malabanan ang Delta variant.
Sinabi rin ni Duterte na dapat alalahanin ng mga mamamayan ang dahilan kung bakit kailangang maging istrikto ng mga security forces ng gobyerno dahil kailangang protektahan ang bansa mula sa mas nakakahawang sakit na posibleng maging dahilan sa pagkawala ng mas maraming buhay.
- Latest