Heavy Bombers lusot sa Altas sa OT
MANILA, Philippines — Nangailangan ng extra period ang Jose Rizal University upang pasabugin ang University of Perpetual Help System DALTA, 72-70, sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament kahapon sa Playtime FilOil sa San Juan City.
Isinalba ng clutch basket ni Allan Laurenaria ang Heavy Bombers upang itakas ang mahirap na panalo at upuan ang solo top spot sa Group A bitbit ang 7-2 baraha.
Nagtala si Laurenaria ng 20 points, anim na rebounds, apat na steals at tatlong assists para akbayan ang Kalentong-based squad at ipalasap sa Altas ang pang-pitong talo sa siyam na laro.
Nagtabla ang ang Jose Rizal at Perpetual sa third quarter, 47-47, hanggang mauwi sa overtime ang bakbakan ng dalawa.
Sa extra period isinalpak ni Laurenaria ang game-winning basket para ilusot ang Heavy Bombers sa Altas.
Sa unang laro, humakot si Denzil Walker ng 21 points, pitong rebounds, apat na assists at dalawang steals para gabayan ang Letran Knights sa 83-72 pagtusok sa St. Benilde Blazers.
Sinolo ng Knights ang liderato sa Group B tangan ang 6-3 record.
- Latest


















