PLDT, akari unahan sa win column

MANILA, Philippines — Ang unang panalo ang kapwa hangad ng PLDT at Akari sa kanilang salpukan sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab leg sa MOA Arena sa Pasay City.
Maghaharap ang High Speed Hitters at Chargers ngayong alas-6 ng gabi, habang magtutuos ang Capital1 Solar Spikers at ZUS Coffee Thunderbelles sa ala-1 ng hapon.
Tabla sa itaas ng teams standings ang Choco Mucho, Creamline at Nxled sa magkakatulad nilang 2-0 record kasunod ang Farm Fresh (1-1), Capital1 (1-1), PLDT (0-1), ZUS Coffee (0-1), Akari (0-2) at Galeries Tower (0-2).
Kabiguan ang bumulaga sa High Speed Hitters matapos ang 16-25, 20-25, 18-25 pagyukod sa Chameleons sa una nilang laro.
Bigo naman ang Chargers sa Cool Smashers, 18-25, 21-25, 18-25, at sa Solar Spikers, 26-28, 25-22, 15-25, 25-23, 19-21.
Sasandal ang PLDT kina Fil-Canadian Savi Davison, Kim Kianna Dy, Mika Reyes, Majoy Baron, Alleiah Malaluan, Dell Palomata, setter Kim Fajardo at libero Kath Araldo.
Isasalang ng Akari sina Ivy Lacsina, Eli Soyud, Fifi Sharma, Royse Tubino, Grethcel Soltones, setter Mars Alba at libero Justin Jazareno.
Sa unang laro, pakay ng Capital1 ang ikalawang dikit na panalo sa pagharap sa ZUS Coffee.
Hinataw ng Solar Spikers ang pahirapang 28-26, 22-25, 25-15, 23-25, 21-19 panalao laban sa Chargers para makabangon sa naunang 25-22, 25-18, 17-25, 20-25, 8-15 pagtiklop sa Flying Titans.
Muling sasandalan ng Capital1 sina Bella Belen, Vanie Gandler, Erika Santos, Pauline Gaston, setter Juju Coronel at rookie libero Detdet Pepito.
Sina Jolina dela Cruz, Cess Robles, Chinnie Arroyo, Fiola Ceballos, Zam Nolasco, AC Miner, Riza Nogales at Chai Troncoso ang itatapat ng ZUS Coffee.
- Latest





















