Back-to-back wins target ng Nxled

MANILA, Philippines — Ang ikalawang sunod na panalo ang puntirya ng Nxled sa pagharap sa guest team EST Cola sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference sa Smart Araneta Coliseum.
Lalabanan ng Chameleons ang mga Thai spikers ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang upakan ng nagdedepensang PLDT High Speed Hitters at guest team Ho Chi Minh ng Vietnam sa alas-4 ng hapon.
Sa unang laro sa ala-1:30 ng hapon magtutuos ang Creamline at Farm Fresh.
Solo ng Creamline ang liderato bitbit ang 2-0 record kasunod ang PLDT (1-1), Nxled (1-1), EST Cola (1-1), Farm Fresh (1-1) at Ho Chi Minh (0-2).
Sinapawan ng Chameleons ang High Speed Hitters, 25-19, 25-22, 25-20, habang pinadapa ng mga Thai hitters ang Foxies, 25-21, 25-16, 25-22, sa kanilang mga huling laro noong Martes.
Sa hindi paglalaro ni injured team captain Brooke Van Sickle (minor shoulder tear) ay si Fil-Am middle blocker MJ Phillips ang tumatayong lider ng Nxled.
“We’re really hungry for, like, a win and a championship. Everyone’s stepping up — that’s what we’re seeing. And I see a lot of confidence,” ani Phillips na muling makakatuwang sina Myla Pablo, Jonah Escamillan, Lyann De Guzman, EJ Carino at setter Gel Cayuna.
Itatapat ng EST Cola sina Papatchaya Phontham, Nannaphat Moonjakham, Nirarach Srikuta at setter Natnicha Saelao.
Samantala, lalapit ang Creamline sa finals berth sa pagsagupa sa Farm Fresh.
Magkasunod na iniligpit ng Cool Smashers ang Chameleons, 25-20, 25-23, 23-25, 25-20, at Vietnamese team, 25-18, 25-16, 25-6.
- Latest




















