Lady Falcons umiskor ng panalo sa Lady Red Warriors
MANILA, Philippines — Balik sa win column ang Adamson University Lady Falcons matapos tukain ang 25-23, 25-20, 25-18 panalo kontra University of the East Lady Red Warriors sa UAAP Season 84 women’s volleyball tournament na nilaro sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City, kahapon.
Nag-init ang opensa ni Lorene Toring nang itala ang 14 points mula sa 10 attacks at apat na butata para akayin ang Lady Falcons sa panalo at upuan ang No. 4 spot sa team standings kalong ang 4-3 record.
Nakabangon ang Adamson mula sa pagkakadapa noong Martes laban sa University of Santo Tomas Golden Tigresses.
“Gusto ko talaga bumawi kasi nung last game, hindi ako nakapag contribute sa team,” saad ni Toring.
Dumaan sa butas ng karayom ang Lady Falcons sa first set matapos nilang maghabol ng tatlong puntos, 19-22.
Pero sinandalan ng Adamson si Toring upang makuha ang mahirap na panalo sa unang laro.
- Latest