Donaire aabangan ang pagkakamali ni Inoue
MANILA, Philippines — Magiging maingat si four-division world champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. sa oras na makaharap niya si Japanese Naoya Inoue sa finals ng World Boxing Super Series sa Nobyembre 7 sa Saitama Super Arena sa Saitama, Japan.
Alam ni Donaire na mapapalaban siya nang husto sa Japanese pug na armado ng 18-0 rekord tampok ang 16 knockouts.
Kaya naman walang puwang ang anumang pagkakamali para kay Donaire lalo pa’t preparadung-preparado rin si Inoue.
“The one who commits the first mistake in the ring, he will lose. I can tell you that this fight could be long like a game of chess,” ani Donaire sa panayam ng Boxingscene.com.
Natungo si Donaire sa Japan bitbit ang determinasyong makuha ang panalo sa kabila ng hometown advantage ng Japanese boxer.
Mas bata rin ng 10 taon si Inoue na itinuturing ng ibang boxing fans bilang bentahe nito kay Donaire.
Subalit ang malalim na karanasan ni Donaire ang magsisilbing pangunahing sandata niya.
Mayroon siyang 45-5 rekord tampok ang 40 impresibong KO wins.
“I’m very motivated and incredibly excited to jump into a fight with Naoya. It gives me joy and satisfaction because I can fight in Japan,” ani Donaire.
Alam ni Donaire na isa si Inoue sa pinakamatinding makakalaban niya.
At walang magagawa si Donaire kung hindi ilabas ang lahat ng alas niya para masikwat ang panalo.
“Inoue will force me to bring out all of my qualities as a boxer. I know that Naoya Inoue is the favorite due to his youth. But, I have a lot of determination to reverse the odds, and for that, I will fully dedicate myself to the maximum level with my physical preparations,” sabi pa ni Donaire.
- Latest