Apoy sa Balsa (49)

MABILIS lumingon nang bahagya si Rhea matapos maramdaman na may sumusunod sa kanya. Isang matangkad na lalaking naka-itim na hoodie, nakasumbrero, at may nakatakip na face mask ang nasa likod niya! Bumilis ang tibok ng puso ni Rhea. Sumabog ang adrenaline sa kaniyang katawan. Diyos ko, ang bagong kapitbahay!

Tumatakbo na siya patungo sa kaniyang unit, nanginginig ang mga daliri habang kinakapa ang keycard sa kaniyang bulsa. Ngunit napakabilis ng mga yabag sa kanyang likuran, halos maabot na siya nito!

Nang maramdaman niyang nasa likod na likod na niya ang lalaki, huminto si Rhea, mabilis na humarap, at gamit ang buong lakas ay ihagis ang plastic ng grocery at ang kaniyang mabigat na bag deretso sa mukha at dibdib ng lalaki!

“Lumayo ka sa akin! BASTOS!” sigaw ni Rhea habang nakapikit at naghahanda para ipagtanggol ang sarili.

“ARAY!”

Napatigil si Rhea. Ang boses na iyon...

Dahan-dahan niyang iminulat ang kanyang mga mata. Nakatayo sa harap niya ang lalaki, hawak ang kanyang ilong habang nakabagsak sa sahig ang nahulog na grocery bag. Inalis nito ang kanyang face mask at sumbrero.

Si Kael.

Napanganga si Rhea. Nakatitig siya sa binata, pabalik-balik ang tingin sa nahulog na grocery at sa mukha ni Kael.

“K... Kael?!” sigaw ni Rhea, halos mawalan ng boses. “Anong... anong ginagawa mo rito?! Bakit mo ako sinusundan?!

“Aray, ang sakit ng bag mo...” napa-aray si Kael habang hinahawakan ang kanyang ilong, ngunit unti-unting lumabas ang isang matamis at nahihiyang ngiti sa kanyang mga labi. “Kumatok ako sa ‘yo kanina para isorpresa ka, kaso hindi ka sumasagot.”

Itutuloy

Show comments