Mocha
Mocha parang nasa row 4 ang takbo ng utak
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - March 25, 2020 - 12:00am

Kailangan pa ba nating bigyan ng atensiyon sa mga panahong ito ang pagpapabibo ni Mocha Uson? Sa mga panahong ito na buong mundo na ang nililigalig ng mapamuksang COVID-19 ay isantabi na lang muna natin ang tulad ni Mocha, sa matinding mikrobyo muna tayo tumutok ngayon, para sa ating kaligtasan.

Kakuwentuhan namin kagabi ang kaibigan naming propesor. Inanalisa nito ang karakter ng dating sery singer-dancer na binigyan ng posisyon sa pamahalaan ng administrasyon.

Sabi ni prop ay siguradong mara­ming dahilan kung bakit nagkakaganyan si Mocha. Baka raw kasi nu’ng kanyang kabataan ay walang pumapansin sa kanya.

Baka raw walang nagpapahalaga sa kanyang presensiya, baka nakaranas siya nang grabeng pambu-bully, kaya siya naman ang nambu-bully ngayon.

Sabi pa ni prop, “Kita naman natin sa mga atake niya na hindi siya matalino. Kapos siya sa kaalaman. Geography nga lang ng Pilipinas, e, hindi pa niya kabisado?

“Tama bang ipagmalaki pa niya na ang bulkang Mayon, e, nasa Naga City? Ang La Trinidad, Benguet, ipinasakop niya sa Baguio!

“So, du’n pa lang, e, alam mo nang nasa Row 4 siya nu’ng estudyante pa siya, katabi niya ang mabahong basurahan,” seryosong komento ni prop.

Mocha hindi nagtatanim ng galit/inis

Pinipitik namin si Mocha Uson sa mga panahong baluktot ang kanyang paninindigan tungkol sa mga nagaganap sa ating bayan. Sawsawera siya.

Para bang isang malaking krimen na para sa kanya ang hindi makapagbigay ng kanyang opinyon, katanggap-tanggap man ‘yun o kasuka-suka, hindi siya namimili ng tamang platito na kanyang pakikisawsawan.

Basta mema lang siya, may masabi lang, kahit pa pinagtatawanan na siya ng buong bayan dahil sa sunud-sunod niyang bloopers.

Pero hindi namin makuhang magtanim ng galit o kahit inis lang kay Mocha Uson. Sa maraming pagkakataong nakakakuwentuhan namin siya ay parang nakikita namin ang lawak ng kanyang mga pangarap.

Matayog ang lipad ng saranggola ni Mocha Uson, gagawin niya ang lahat mapahiya man siya sa buong mundo, basta mapansin lang siya.

At isang positibong katangiang meron ang taong ito ay hindi rin siya namemersonal. Birahin mo na siya hanggang gusto mo, hanggang pag-aray lang ang kanyang mararamdaman, pero hinding-hindi siya nagagalit.

Sa dami na ng pagpansin namin sa kanya ay parang walang-wala lang ‘yun kapag nagkikita kami, marespeto pa rin siya, kakambal ang paniniwala at pagpapahalaga sa kalayaan sa pamamahayag na idinidikta ng aming propesyon.

Ganu’n dapat ang pinaiiral na ugali ng mga tulad niyang pampublikong personalidad. Hindi sila ligtas sa pagpuna pero hanggang du’n lang naman ‘yun at walang personalan.

Kasagsagan nu’n ng pagpitik namin kay Mocha Uson dahil sa mga tagibang niyang pananaw na nagiging dahilan din kung bakit mula sa agahan hanggang hapunan ay puro pamba-bash ang inaani niya sa social media.

Panauhin siya sa isang news program ng TV5, in-demand na in-demand siya nu’n, halos hindi na niya mapagbigyan ang mga imbitas­yon dahil sa sobrang dami.

Pagdating niya sa studio ay tinanong niya ang EP, “Sasalang na ba ako o hindi pa? May pupuntahan lang ako. Dito rin, pakisabihan n’yo lang ako kapag kailangan ko nang bumalik,” sabi niya.

Maya-maya ay nandu’n na siya sa studio ng Cristy Ferminute, nagbigay-pugay lang siya, pagkatapos ay bumalik na rin agad sa studio sa ibaba.

Sabi ni Gayson Magdadaro, anak-anakan naming taga-News 5, “Alam mo Nay, napakalaki ng respeto sa iyo ni Mocha. Sabi niya sa amin, ‘Magbibigay-pugay lang ako sa Nanay ko, saglit lang ako du’n!’

“And to think na palagi mo siyang pinipitik, ha?” komento ni Gayson.

Kaya paano kami magkukubli ng galit o kahit inis lang sa aming puso para sa isang taong marunong makipagkita sa katwiran?

Hanggang trabaho lang kami kapag pinupuna namin sa ­aming panulat si Mocha Uson, walang personalan, sumpa man.

MOCHA USON
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with