Doktor, guro, OFW, fil-ams at youth advocates, kinilalang makabagong mga bayani
Salve Asis (Pilipino Star Ngayon) - September 12, 2019 - 12:00am

MANILA, Philippines — Si Doc Leon Caculitan ang tinaguriang Natatanging Bayani sa ika-15th Gawad Geny Lopez Jr. dahil sa paglaan niya ng oras para magsagawa ng libreng medical missions sa isla ng Palaui sa Cagayan simula noong 2014. Hinihikayat din niya ang kanyang mga estudyante na sumali sa kanyang medical missions.

At dahil nga sa limitadong access sa pangangalagang pangkalusugan, nagpatayo ng ospital sa isla si Doc Leon kasama ang ibang doktor at volunteers, ayon sa kanyang nominator na si Marfelle David, isang medical student. Sa ngayon, ramdam at lumaganap na ang medical missions ni Doc Leon sa Cagayan at ilang bahagi ng bansa.

Kinilala rin ng Bayaning Pilipino Awards ang public school teacher na si Gary Mosquito bilang Bayaning Gurong Pilipino ng taon. Nanguna si Gary sa giyera laban sa malnutrisyon sa kanilang paaralan sa Palo, Leyte sa pamamagitan ng Gulayan sa Paaralan Program, kung saan naghahain sila ng masusustansiyang pagkain sa mga mag-aaral. Dahil sa proyekto, gumanda ang academic performance ng kanilang mga estud­yante at napuksa ang malnutrisyon.

Nariyan ang OFW photographer na si Brando Yonaha na pinangalanang Bayaning Pilipino Japan winner. Gamit ang kanyang talento sa pagkuha ng litrato, nakalikom ng pondo si Brando at mga kapwa photographers para bumili ng school supplies, gumawa ng e-library, at bumili ng pampasadang mga tricycle para sa benepisyo ng mga kabataan sa Zamboanga Sibugay, na isa lamang sa kanyang tanyag na mga proyekto.

Samantala, iginawad naman ang Bayaning Pilipino sa North America award sa Feed2Succeed, isang non-profit organization na itinatag ng magkapatid na Filipino-Americans na sina Caroline at Carmina Raque,  kasama ang kanilang kaibigan na si Tiffany Sato. 300 students na at 7 elementary schools ang na-adopt ng Feed2Succeed na nagbunga mula sa isang feeding program experience ng magkapatid sa Pilipinas.

Wala ring kinikilalang edad ang kabayanihan na pinatunayan ni Renny Boy Takyawan, ang Bayaning Kabataan nitong taon. Malaki ang naitulong ni Renny Boy para mapagawan ng silid-aralan ang kanyang kapwa ka-tribu sa Sarangani para hindi na sila maglakad ng malayo para lamang makapag-aral.

Isa namang Bayaning Kabataan special citation ang ibinigay kay Mayrani Hassan ng Zamboanga Sibugay dahil sa kanyang pagtulong sa kanyang kapwa Pilipino noong Marawi siege.

Taun-taon, kinikilala ang mga makabagong bayani sa Gawad Geny Lopez Jr. Bayaning Pilipino Awards para bigyang parangal ang mga ordinaryong Pilipinong gumagawa ng kamangha-manghang malasakit para sa kanilang kapwa.

GAWAD GENY LOPEZ JR
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with