Aktor nanliligaw sa iba kahit pinangangalandakan ang pagmamahal sa GF!
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - July 8, 2019 - 12:00am

Totoo ang kasabihan na ang pinakamahigpit na kalaban ng manager sa pagrenda sa career ng kanyang alaga ay pag-ibig. Kapag sobrang in-love na ang personalidad ay karugtong na nu’n ang unprofessionalism.

Mahirap kalabanin ang artistang sobrang in-love, pakiramdam ng artista ay kinakawawa siya, samantalang positibong payo lang naman ang sinasabi ng kanilang manager.

Kuwento ng aming source, “Tulad ng nangyari sa isang male personality at sa manager niya. Puro kasinungalingan kasi ang sinasabi ng aktor sa manager niya. Kesyo maysakit daw siya at hindi niya kayang magtrabaho, pero nasa isang malayong probinsiya pala siya kasama ang girlfriend niya!

“Natural, galit na galit ang manager dahil mas inuna pa nu’ng male personality ang girlfriend niya kesa sa magagandang opportunities na dumara­ting sa kanya.

“Maraming drama ‘yung male personality, kung anu-anong dahilan ang sinasabi niya sa manager niya, pero palagi rin naman siyang nabubuking!” unang kuwento ng aming impormante.

Binitiwan na ng kanyang manager ang aktor, hindi na pinanghinayangan ng manager ang matinding hirap nito para lang magkapangalan ang male personality, ayaw nitong mamaalam sa mundo nang dahil lang sa stress.

Patuloy ng aming source, “Ganu’n katinding ma-in-love ang male personality, pero ano ang latest na kuwento tungkol sa kanya? Meron siyang girlfriend, ilang taon na silang magkarelasyon, pero ano ang ginagawa niya?

“Alam kaya ng girlfriend niya na madalas niyang sabihang mahal na mahal niya at hindi niya kayang mabuhay nang wala ang girl na meron siyang bagong pinopostehang babae ngayon?

“Yes! Napakalakas ng loob niyang manligaw, samantalang silang-sila pa rin ng female personality na ipinaglaban niya nu’n sa manager niya!

“Palagi silang nagkakaroon ng tensiyon nu’n ng manager niya nang dahil sa babaeng ‘yun! Ipinakipagpatayan niya ang female personality nu’n, pero bakit meron pa siyang pinagkakaabalahang ibang girl ngayon?

“Nasaan na ang pagsumpa-sumpa niya nu’n na mamamatay siya kapag nawala ang girl sa buhay niya? Buti na lang at marespeto ang bagong girl na nililigawan niya, hindi siya pinapatulan, dahil alam na alam ng babae na may girlfriend siya!

“At hindi man lang siya nangibang-bakuran, ha? Mula rin sa network na pinagseserbisyuhan niya ang bagong girl na pinopostehan niya! Magkakasama sila du’n ng girl at ng karelasyon niya!

“Aba, Mr. Pogi, siguradong lagot ka kapag nalaman ng girlfriend mo ang mga pinaggagagawa mo!” pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Ogie Diaz walang planong patawarin ang nangwasak kay Liza

Ngayon lang namin nakitang sumisingasing sa sobrang galit si Ogie Diaz. Kilalang-kilala namin ang komedyante-manager, kulang na lang na ipanganak pa namin siya, kabisado namin ang kanyang ugali.

Kung mga simpleng bagay lang naman, lalo na kung kasamahan niyang reporter ang sangkot sa isyu, ay pinalalampas na lang niya.

Pero hindi niya kayang palampasin at patawarin ang malisyosong kuwentong inilabas sa YouTube ng isang Kapitana Sisa.

Dalawang beses na raw na nagdadalantao at nalalaglagan ang kanyang iniingatang alaga na si Liza Soberano.

Kapadung-kapado namin ang emosyon ni Ogie Diaz bilang manager. Mahabang panahon ang hinintay nila ni Liza bago ito nakilala. Hindi naman sumikat nang magdamagan lang ang kanyang alaga, matinding sakripisyo ang pareho nilang ipinuhunan, pagkatapos ay wawasakin lang ng kung sino ang imahe ng young actress?

Lumampas sa linya ng propesyonalismo at paggalang si Kapitana Sisa. Nasaan ang kanyang mga ebidensiyang nagdalantao nga si Liza Soberano at nalaglag lang ang binhi?

‘Yun ang kailangan nitong panindigan sa husgado dahil buong-buo na ang desisyon ni Ogie at ng pamilya ni Liza na sampahan ito ng kasong libelo at cyber libel.

Napakalaking kasiraan sa imahe ni Liza Soberano ang ginawa ni Kapitana Sisa, ingat na ingat nga ang dalaga sa kanyang mga galaw at pananalita, pero sa isang iglap lang ay winasak nito ang pinakapuhunan sa pag-aartista ng young actress.

Magkikita na lang sila sa korte. Kailangan nang humanap ng magaling na abogadong magtatanggol sa kanyang mga nilubid-lubid na kuwento ang Kapitana Sisa na ito.

OGIE DIAZ
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with