Nanay ng singer-actress ‘di nahihiyang magbenta ng prutas at pancit sa mga katrabaho ng anak
Nanay ng singer-actress ‘di nahihiyang magbenta ng prutas at pancit sa mga katrabaho ng anak
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - August 17, 2018 - 12:00am

Puro pabulong ang mga kuwentuhan isang umaga sa set ng isang musical variety show ng isang malaking network. Ang kanilang paksa sa bulungan, ang mommy ng isang sikat na singer-actress, siya na naman!

Habang nagpapa-make-up ang kanyang anak na bumibida sa variety show ay abalang-abala naman ang kanyang ina sa backstage. May matinding tinututukan ang kanyang mommy.

Kuwento ng aming source, “Si mommy, nasa backstage, nagbebenta siya ng mga prutas sa mga artista at sa staff ng show. Marami siyang dala-dalang prutas, kahun-kahon, ibinebenta niya sa mga kasamahang singers ng anak niya.

“Wala namang masama sa ginagawa ni mommy, legal naman ang ginagawa niya, kaya lang, may mga nagsasabi na parang hindi niya na binibigyan ng kahihiyan ang anak niya.

“Sana, ipabenta na lang niya ang mga prutas sa ibang tao, huwag na siya, dahil hindi nga magandang tingnan na mismong siya ang nakikipagtawaran sa mga produktong ibinebenta niya.

“Ang iniisip tuloy ng mga nakakakita sa kanya, e, wala siyang kakuntentuhan sa buhay. Maganda na ang buhay ng pamilya nila dahil sa anak nilang milyones ang kinikita, sa kanila lang naman ‘yun napupunta, di ba?

“Ano pa ba ang kailangan nila, bakit nagtitinda pa ng fruits si mommy sa set ng musical variety show, kapos na kapos pa ba ang tinatanggap nilang biyaya mula sa anak niya?” napapailing na kuwento ng ­aming source.

Nu’ng minsan naman, sa isang pictorial ng sikat na singer-actress, ay nagulantang ang mga nandu’n dahil nagpamer­yenda ng pancit na nakabilao ang mommy niya.

Patuloy ng aming source, “Natural, hindi naging ugali ni mommy ang pagpapameryenda, kaya nagulat ang mga nandu’n.

“Heto na. Pagkakain ng staff, e, tinanong ni mommy ang mga kumain, ‘Masarap ba ang pancit?’ Sabay-sabay namang sumagot ng oo ang mga kumain. Totoo naman kasing masarap ang pancit.

“Maya-maya, nagbigay ng calling card sa kanila si mommy, ang sabi niya, ‘O, kapag kailangan n’yo ng pancit, sa akin na lang kayo umorder.’

“Nakakaloka! Food tasting pala ‘yun! Napakagaling talagang magnegosyo ni mommy! Napaka-business minded talaga niya! It’s not enough na mayaman na sila, work pa rin siya nang work!” humahalakhak pa ring pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Kasal nina Luis at Jessy, aprubado na ni Rep. Vilma

May nakapagkuwento sa amin na sa pinakahuling pakikipagkita ng mga miyembro ng VSSI sa kanilang idolo ay binanggit sa kanila ni Congresswoman Vilma Santos na handa na raw sa pagpapakasal si Luis Manzano.

“Mom, I’m ready,”  literal na sabi ni Luis sa kanyang ina. Natural, masayang-masaya ang aktres-pulitiko dahil magkakaapo na nga naman ito, walang kontra si Congresswoman Vilma sa pakakasalan ng kanyang panganay.

Mukhang malapit na nga tayong makahigop ng mainit na sabaw, kasabihan sa probinsiya ng matatanda, dahil unti-unti nang tinutukan nina Luis at Jessy Mendiola ang pagharap nila sa altar.

Hindi na siguro nila paaabutin ang kanilang kasal sa susunod na taon, ilang buwan pang preparasyon ang natitira sa 2018 hanggang Disyembre, kaya baka sa taong ito na magpakasal sina Luis at Jessy.

Kayang-kaya nang magpamilya ni Luis, sa husay niyang humawak ng pananalapi ay magandang kinabukasan ang maibibigay niya kay Jessy at sa mga magiging anak nila, napakabatang namulat sa pagnenegosyo ng actor-TV host.

Kung meron mang perso­nalidad na mapagpahalaga sa kanyang kinikita ay nangunguna sa listahan si Luis, mismong si Congresswoman Vilma ang nagkukuwento kung gaano kagaling humawak ng pera ang kanyang anak, hindi naman pinagdadamutan ni Luis ang kanyang sarili pero mas malaki ang itinatabi niya kesa sa kanyang ginagastos.

Masuwerte si Jessy Mendiola kay Luis Manzano. Nakaprograma na ang kanilang kinabukasan bilang mag-asawa ngayon pa lang. Magiging responsableng asawa at ama si Lucky.

Namimili na sila ngayon ng magiging motif ng kanilang kasal. Napakaguwapong groom at napakagandang bride ang malapit na nating masaksihan.

I LUIS MANZANO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with