Hunks ng "Kristine" at kanilang mga leading ladies, nagkakamabutihan

MANILA, Philippines - Matitindi pang pasabog ang nag­hihintay sa sambayanan nga­yong bagong taon mula sa teleseryeng pa­tuloy na bumubuhay sa bawat gabi, ang Martha Cecilia’s Kristine: Ang Ikalawang Libro.

Bukod sa maiinit na eksena at kapana-panabik na mga kuwento ng pag-ibig, sinusubaybayan na rin ngayon ang mga bagong tambalang nagdadala ng romansa - sina Rayver Cruz at Cristine Reyes, Zanjoe Marudo at Bangs Garcia, Rafael Rosell at Iya Villania, at JM De Guzman at Kristel Moreno. Aminado naman ang hunks ng programa na kinagigiliwan nila ang mga kapareha kahit off camera.

Pagbibida pa ng Prince of Passion na si Zanjoe, mahusay daw si Bangs makisama. “Madali kaming nagkakasundo kasi very approachable siyang tao. Madali siyang nakapag-warm up sa akin, at sa buong grupo. Kumportable na kaagad siya sa cast,” aniya.

Nakatulong naman daw ang pagiging Inglisera ni Iya sa pagiging close nila ngayon ni Rafael. Laking Australia si Iya, samantalang, la­king Norway ang model-turned-actor. “Sobrang komportable kami. May kaunting similarities kami sa culture. So far we’re good,” pahayag ni Rafael.

Si JM naman ay nakaranas ng kaunting hiya noon kay Kristel, lalo na’t kissing scene ang unang pinagawa sa kanila. Ngayon daw ay mas madali na para sa kanilang gawin ang iba pang maseselang eksena. “Kinukuha lang namin sa pakiramdaman. Bago magsimula ‘yung scene, nagkakapaan kami,” aniya.

Hanggang ngayon ay umaasa naman ang fans ng tambalang Zantine na magkasama uli sa eksena sina Zanjoe at Cristine Reyes. At sa takbo ng kuwento ay mukhang makukuha na nila ang gusto nila.

Ngayong linggo, magaganap na ang muling pag­haharap nina Jewel (Cristine) at Bernard (Zanjoe) sa pagbabalik ng bidang babae sa Villa Kristine. Subalit, magkabalikan pa kaya sila ngayong may anak na si Bernard kay Diana (Bangs) at si Jewel naman ay pinapaniwala ni Margarita (Irma Adlawan) na galit siya kay Bernard at sa ina-inahang si Anna (Angel Jacob)?

Samantala, labis na pagkalito naman ang dinaranas ni Marco (Rafael) sa inaasal ni Scarlet (Iya). Mapapayag kaya niya ang dalaga na maging opisyal na magkasintahan sila? Si Jasmin (Kristel) naman ay nahaharap sa pagpili sa pagtingin niya kay Nathaniel (JM) o sa kapakanan ng may sakit niyang kapatid na si Iris.

Tanggapin kaya niya ang alok na pera ni Margarita kapalit ng paglayo niya kay Nathaniel?

Ang Martha Cecilia’s Kristine: Ang Ikalawang Libro ay napapanood pagkatapos ng Imortal sa ABS-CBN.

Show comments