Ilagan City humirit ng MECQ
42 COVID cases sa loob ng 3-araw
TUGUEGARAO CITY, Cagayan , Philippines — Matapos putaktehin ng 42 bagong kaso ng COVID-19 sa loob ng tatlong araw, hiniling ng mayor ng kabiserang lungsod ng Ilagan sa Isabela na sumailalim ang kanyang teritoryo sa modified enhanced community quarantine (MECQ) kahapon.
Sa kanyang sulat kay Isabela Governor Rodolfo Albano III, sinabi ni City Mayor Jose Marie Diaz na “hinog na” ang kanyang teritoryo upang isailalim sa paghihigpit dahil 42 sa 91 nitong barangay ang apektado na ng hawaan sa virus.
Aniya, kailangan niyang pigilan ang paggalaw ng mga mamamayan at manatili sa kanilang kinalalagyan upang maisagawa ang disinfection at malawakang contact tracing nang masawata ang pagkalat ng COVID-19.
Dahil dito, nagsumamo si Diaz sa pagtaguyod ng lalawigan sa Regional Inter-Agency Task Force on Management of Emerging Infectious Disease na isailalim ang Ilagan City sa MECQ mula Oktubre 6 hanggang 16.
- Latest