2 most wanted, arestado

CAMARINES NORTE, Philippines  - Dalawang most wanted person ang nasakote ng mga operatiba ng pulisya sa inilatag na magkahiwalay na operasyon sa Camarines Norte kamakalawa. Unang naaresto sa Barangay Batobalani ang 45-anyos na suspek na si Ramon Lacsinto ng  Purok 5 sa Barangay Sta. Elena sa bayan  ng Jose Panganiban, Camarines Norte. Ayon kay P/Chief Insp. Martin Ngadao, si Lacsinto ay may standing warrant of arrest na inisyu ni Judge Arniel  Dating ng Daet Regional Trial Court Branch 40 sa kasong rape at walang inirekomendang piyansa. Samantala, nasakote rin sa Purok 2, Brgy. San Isidro  sa bayan ng Daet ang suspek na si  Jayjay Peñero. Nahaharap sa kasong paglabag sa frustrated murder ang suspek na si Peñero ay may nakabinbing warrant of arrest na inisyu ni Judge Winston Racoma ng Daet Regional Trial Court Branch 39 kung saan inirekomenda ng korte ang halagang 200K bilang piyansa para sa pansamantalang kalayaan.

Show comments