Overpass bomber, arestado

NORTH COTABATO, Philippines – Bumagsak sa kamay ng  mga awtoridad ang pa­ngunahing suspek sa pagpapasabog sa overpass sa bayan ng Kabacan kung saan namatay ang 19-anyos na coed at 16 naman ang sugatan makaraang masakote sa inilatag na checkpoint sa bayan ng President Quirino, Sultan Kudarat kahapon ng hapon. Sumailalim na sa tactical interrogation ang suspek na si Badrudin Eskak/Badz” Abid ng Purok Krislam, Barangay Poblacion sa nasabing bayan. Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Danilo Peralta, natiktikan ng pulisya ang suspek sa bayan ng Buluan, Maguindanao kung saan patungo ito sa Sultan Kudarat kaya kaagad na inilatag ang operasyon. Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Laureano Alzate ay nasakote ang suspek na sinasabing may mga nakabinbing kasong carnapping at iba pang krimen batay sa e-rouges gallery ng pulisya. Ang suspek ay isinasangkot sa pagpapasabog sa overpass sa Kabacan noong Nobyembre 16 kung saan namatay ang isang estudyante ng College Student ng University of Southern Mindanao at ikinasugat ng 16-katao.

Show comments